UMAKYAT na sa 18 katao ang nasawi dahil sa pananalasa ng Tropical Storm Opong at iba pang nagdaang bagyo sa bansa, ayon sa NDRRMC.
Pinakamarami ang namatay sa Cagayan Valley (8), habang tig-tatlo sa Central Luzon at Cordillera Administrative Region. Sa Region 5, apat ang nadagdag kabilang ang biktimang nabagsakan ng puno, pader, debris, at tinamaan ng kidlat.
Naitala rin ang 8 nawawala (6 mula Bicol) at 17 sugatan dahil sa hagupit nina Opong, Mirasol at Nando.
Umabot na sa 1.2 milyong katao mula sa 11 rehiyon ang apektado ng tatlong bagyo. Lumobo naman ang pinsala sa imprastraktura sa ₱794.8 milyon at ₱38.5 milyon sa agrikultura.
Ayon sa Philippine Coast Guard, nasa 5,520 pasahero, truck drivers at pahinante ang stranded sa 118 pantalan. May 2,701 rolling cargoes, 114 vessels, at 53 motor bancas ang nakapuwesto sa mga puerto.
Naglabas din ng Gale warning ang PAGASA sa eastern at western seaboards ng Luzon at Visayas. Kahapon, tinahak ni Opong ang direksyon ng Romblon matapos mag-landfall sa Eastern Samar at Masbate.
(JESSE RUIZ)
349 