LUCENA CITY – Hindi nakapalag ang isang babae makaraang masakote sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Quezon Provincial Drug Enforcement Unit ng PNP sa Barangay Silangang Mayao sa lungsod noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ni Quezon Police Director Col. Romulo Albacea ang nasakoteng suspek na si alyas “Tomboy”, 46-taong gulang.
Ayon sa mga awtoridad, dakong alas-2:30 ng hapon nang masakote ang suspek makaraang magpanggap na parokyano ang isa sa mga operatiba.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang 210 na gramo ng hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P4.2 milyon, isang sling bag at P3,000 cash na ginamit bilang buy-bust money.
Nasa kustodiya na ngayon ng Quezon PNP ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(NILOU DEL CARMEN)
146 