MALAKI ang ibinaba ng kaso ng krimen sa Metro Manila sa loob lamang ng isang buwan, ayon sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Batay sa datos ng Comparative Integrated Reporting and Analysis System (CIRAS), bumagsak ang kriminalidad kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Pinakamalaki ang ibinaba sa kasong carnapping ng motor vehicles na pumalo sa 80.95%. Bumaba rin ng 54.78% ang mga kasong rape, 12.96% ang physical injuries, at 5.17% ang carnapping ng motorsiklo.
Bukod dito, tumaas din ang Crime Solution Efficiency (CSE) mula 68.57% noong 2024 tungo sa 78.38% ngayong 2025 — patunay umano na mas pinahusay ang imbestigasyon at koordinasyon sa mga lokal na istasyon ng pulisya sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) system na bahagi ng 7-Point Agenda ni PNP Chief MGen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Sa kampanya laban sa mga pugante, naitala ang pagkaka-aresto sa 503 Most Wanted Persons at 884 Other Wanted Persons.
Samantala, pumalo sa 1,276 ang naarestong suspek mula sa 947 anti-illegal drug operations, na nagresulta sa pagkakasamsam ng droga na may halagang P40,495,620.
Nakumpiska rin ang 198 hindi lisensyadong baril at nadakip ang 195 katao mula sa 189 magkakahiwalay na operasyon.
Sa mga lumabag naman sa lokal na ordinansa gaya ng paninigarilyo sa pampublikong lugar at iba pa, pumalo sa 261,654 ang nahuli.
(CHAI JULIAN)
233 