ARESTADO ang isang 44-anyos na habal-habal driver makaraang molestiyahin ang 34-anyos niyang pasahero sa panulukan ng Mel Lopez Boulevard at Capulong Street, Barangay 105, Tondo, Manila noong Linggo ng gabi.
Kinilala ang suspek na si alyas “Randy”, binata, residente ng Barangay 101, Tondo.
Ayon sa ulat nina Police Master Sergeant Romulo Dabban at Police Corporal James De Luna, dakong alas-2:34 ng madaling araw nitong Lunes nang iturn-over ni Police Staff Sergeant Mary Angelie Malicse ng Children and Women’s Protection Desk ng Raxabago Police Station 1 ng Manila Police District, ang suspek makaraang madakip ito.
Ayon sa salaysay ng biktima, dakong alas-10:53 ng gabi noong Linggo, nang magpa-book siya sa motor taxi patungo sa panulukan ng Mel Lopez Boulevard at Capulong Street sa Brgy. 105, sa Tondo.
Ngunit pagsapit sa lugar ay nag-counter flow umano ang suspek sa Bonifacio Street patungong Mel Lopez Boulevard dahil kukunin daw nito ang isa pang helmet.
Ngunit nang ihinto umano ng suspek ang motorsiklo ay minolestiya nito ang biktima.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong act of lasciviousness.
(RENE CRISOSTOMO)
189 