ESCUDERO KAY ROMUALDEZ: ‘DI AKO NATATAKOT, LALABANAN KO SIYA!

PUNA ni JOEL O. AMONGO

BINASAG na ni dating Senate President at Senator Chiz Escudero ang kanyang pananahimik, nagsalita na siya na hindi siya natatakot kay dating House Speaker Martin Romualdez, lalabanan niya raw ito kahit saan sila mapunta.

Ayon sa kanya, ipatatawag niya sa Senado si Romualdez para pagpaliwanagin ito sa madalas na pagkakabanggit ng pangalan nito sa mga kumukuha ng kickbacks mula sa maanomalyang flood control projects.

Sinabi pa ni Escudero na hindi siya kakampi ni Romualdez at patutunayan niya na hindi totoo ang mga panggigipit ng mga testigo nito laban sa kanya.

Hindi makapapayag si Escudero sa ginagawang paglilihis at dibersyon na ginagawa ni Romualdez palayo sa Kamara.

Hindi rin siya papayag na pag-away-awayin ang mga senador at sirain ang institusyon ng Senado.

Ayon kay Escudero, naniniwala siya kay Master Sgt. Orly Guteza sa sinasabi nitong nag-deliver siya ng male-maletang pera sa bahay ni Martin Romualdez.

Tahasan ding sinabi ni Escudero na hindi siya natatakot kay Martin Romualdez at paulit-ulit niyang babanggitin ang pangalan nito.

Napansin ni Escudero na habang tumatagal ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Panfilo Lacson, ay isa-isang idinadawit ang pangalan ng mga senador sa maanomalyang flood control projects.

Unang idinawit ni DPWH Bulacan 1st District Assistant Engr. Brice Hernandez sina Senator Jinggoy Estrada at Joel Villanueva.

Idinawit naman ni DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Sens. Chiz Escudero, Nancy Binay, Bong Revilla, Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana, na nabibigyan ng kickbacks mula sa flood control projects.

Marami naman ang nakulangan sa mga binanggit na pangalan ni Usec. Bernardo at lalo pang nagduda ang publiko nang bigla itong isama ni Department of Justice Secretary Boying Remulla.

Nagtataka rin si Escudero na tila hindi na nababanggit sa pagdinig ng Senado ang unang pinangalanan na mga kongresista ni Curlee Discaya na nabibigyan nila ng komisyon mula sa kanilang mga proyekto na nakuha sa DPWH.

Ayon pa kay Curlee Discaya, kadalasan ang mga kongresista na kumukuha ng komisyon sa kanila ay binabanggit ang pangalan ni Martin Romualdez.

Sa kabila ng mga pagbanggit ng pangalan ni Romualdez, ay tila walang naglalakas-loob na imbitahan ito sa mga pagdinig ng Kamara at Senado.

Sa halip ay unti-unti nang binabanggit ang mga pangalan ng mga senador.

Minsan na rin nasabi ni Engr. Hernandez na ang kanyang personal computer na ibinigay sa mga nag-iimbestiga ay naglalaman ng mga pangalan ng mga kongresista, subalit hanggang ngayon ay walang nababanggit na mga pangalan ng mga kongresista sa pagdinig sa Senado.

Marami ang naniniwala na ang ginawang pagpapatalsik kina Senator Escudero bilang Senate President at Senator Rodante Marcoleta bilang chairman ng Blue Ribbon Committee, ay bahagi ng paglilihis ng isyu upang hindi madawit si Martin Romualdez sa nasabing katiwalian.

Nagsalita rin si Senator Marcoleta na hindi siya natatakot kay Martin Romualdez at sinabi niyang mas kapani-paniwala ang sinasabi ni Master Sgt. Guteza kaysa mga senador.

Kahit ano pa ang gawing paghuhugas-kamay nina PBBM, Romualdez at Zaldy Co sa maanomalyang flood control projects ay hindi naniniwala sa kanila ang mga Pilipino.

Sa katunayan, isa na namang malawakang protesta ang inihahanda ng publiko sa darating na Bonifacio Day sa Nobyembre 30, 2025 laban sa nangyayaring matinding korupsyon sa administrasyon.

Iba talaga ang nagagawa ng pera, isang tao lang ay hindi nila mapagkaisahang direktang maituro na pasimuno sa kanilang lahat, mas gusto pa nilang makaladkad silang lahat sa kontrobersiya.

Damay-damay na kayo para lahat ng mga nakinabang sa maanomalyang flood control projects ay mabigyan ng parusa kundi man ng batas ng gobyerno, ay batas ng taumbayan, galit na ang publiko sa inyo.

oOo

Para sa reklamo at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com

187

Related posts

Leave a Comment