ANG PAGPILI SA PULITIKA AY HINDI BASTA PREFERENCE LANG

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

ANG pagpili ng paninindigang pampulitika ay hindi katulad ng pagpili ng paborito mong flavor ng ice cream. Madalas na itong nasasabi, pero marami pa ring nagbabalewala na parang simpleng panlasa lang ang pulitika. Karaniwan nating naririnig ang linyang “igalang na lang ang kanilang choice,” pero hindi ito ganun kasimple kapag sa usaping may kinalaman sa kinabukasan at kabutihan ng nakararami.

Kapag pinag-uusapan ang pulitika, hindi ito katulad ng pagpili kung gusto mo ba ng tsokolate, vanilla, o mint choco. Kung mahilig ka sa mint choco, ang mga taong may ayaw nito ay hindi naman talagang naaapektuhan sa anomang seryosong paraan. Walang kaligtasan, kalusugan, o kabuhayan na nakataya dahil lang sa kung anong dessert ang kinakain mo. Doon nakikita ang malaking kaibahan. Ang pulitika ay hindi tungkol sa pansariling hilig. Ito ay tungkol sa mga desisyon at paniniwala na nakaaapekto sa iba.

Ang iyong paninindigang pampulitika ay higit pa sa isang personal na tatak. Ipinakikita nito ang iyong pagkatao, ang mga pinahahalagahan mo, at ang mga prinsipyong sinusunod mo. May mga nagsasabing hiwalay ang pulitika sa pagkatao, pero hindi ito totoo. Ang mga pinapanigan mong pinuno, mga patakarang iyong ipinagtatanggol, at mga ideyang sinusuportahan mo ay malinaw na larawan ng iyong pananaw sa tama at mali. Ipinakikita nito kung anong klase ng lipunan ang gusto mong makita.

Nagkakaroon ng problema kapag ang mga taong may kwestiyonableng paninindigan ay may kakayahang makaimpluwensya ng iba. Isipin mo ang isang tao na may malawak na abot ang boses at ginagamit ito para ikalat ang maling ideya o susuportahan ang tiwaling gawain. Hindi lang sila ang tatamaan ng epekto nito. Ang bawat taong nadadala o nalilinlang ay nadadamay rin. Kaya hindi maaaring ituring na simpleng bagay ang pagpili ng paninindigan sa pulitika. Mabigat ito. May kaakibat na epekto.

Madalas nating marinig, “Hayaan mo na, choice nila ‘yan.” Ngunit ang katotohanan, ang mga desisyong pampulitika ay hindi naiiwan sa isang tao lang. Ang mga batas na naipapasa, ang mga lider na nauupo, at ang mga sistemang pinapanigan ay direktang nakaaapekto sa buong komunidad. Dito nakasalalay kung may sapat bang pondo ang mga paaralan, kung abot-kamay ba ang serbisyong pangkalusugan, kung makatarungan ba ang hustisya, at kung tunay bang protektado ang ating mga kalayaan.

At hindi ito natatapos sa kasalukuyan. Ang mga pagpiling ginagawa natin ngayon ay may epekto hanggang sa hinaharap. Kahit ang mga batang hindi pa ipinanganganak ay mabubuhay sa mga resulta ng mga desisyong sinusuportahan natin ngayon. Malaking pananagutan ito. Hindi puwedeng basta na lang ipagsawalang-bahala na parang simpleng panlasa. Ang pulitika ay pamana. Ito ang huhubog sa uri ng lipunan at kapaligiran na iiwan natin sa susunod na henerasyon.

Kaya naniniwala ako na dapat pag-isipan nang mabuti ang pagsuporta sa isang lider o polisiya. Hindi lamang dapat iniisip kung ano ang makabubuti sa atin mismo, kundi kung ano ang makabubuti para sa mas nakararami. Kinakailangan ng tapang para lumampas sa sariling kaginhawaan at harapin ang bigat ng mga paninindigang pinipili natin.

Sa huli, pwede tayong magtawanan at magdebate tungkol sa lasa ng ice cream nang hindi nakasasakit ng sinoman. Pero ang pulitika ay hindi lasa. Hindi ito simpleng hilig na maaari mong sarilinin. Isa itong seryosong usapin na humuhubog sa buhay, sa kinabukasan, at sa kasaysayan. Kaya pumili nang maingat, dahil ang pagpiling iyon ay hindi titigil sa sarili mong mesa.

170

Related posts

Leave a Comment