BUCOR BALAK MAGTAYO NG BILANGGUAN SA ANCESTRAL LAND NG NCIP

PINAG-AARALAN ngayon ng Bureau of Corrections (BuCor) ang posibilidad ng pagtatayo ng mga regional prison facilities sa mga lupaing ninuno na nasa hurisdiksyon ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).

Sa ilalim ng memorandum of understanding (MOU) na nilagdaan nitong Lunes nina BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. at NCIP Chairperson Dr. Margie Grace Pascua, iminungkahi ng BuCor ang paggamit at pagpapaunlad ng humigit-kumulang 1,000 ektarya ng ancestral land sa bawat rehiyon para sa pagtatayo ng mga bilangguan at penal farms.

Ayon kay Catapang, layon ng proyekto na mapalapit ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa kanilang pamilya at komunidad habang nakakulong, at mapadali ang reintegrasyon pagdating ng kanilang paglaya.

Bukod dito, inaasahan din na magbibigay ng trabaho, kabuhayan, at oportunidad sa mga katutubo ang proyekto, kasabay ng pagsusulong ng penal reform sa bansa.

Ipinahayag naman ni Pascua na naniniwala siya sa direksyon ng MOU na magbibigay ng kapangyarihan at benepisyo sa mga katutubong komunidad at sa mga PDL.

Batay sa Republic Act No. 10575 o BuCor Act of 2013, may kapangyarihan ang BuCor na magtatag ng karagdagang penal farms upang maibsan ang siksikan sa mga kasalukuyang pasilidad at ma-accommodate ang dumaraming bilang ng mga PDL.

Pansamantalang bubuo ang dalawang ahensya ng technical working group (TWG) para pag-aralan ang feasibility ng proyekto at tiyakin ang pagsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon bago ito tuluyang isakatuparan.

(CHAI JULIAN)

27

Related posts

Leave a Comment