Walang pagbabago hangga’t inuupuan ng Kongreso POLITICAL DYNASTY NAGPAPALUGMOK SA PH

HANGGANG pangarap na lang ang pagbabago sa Pilipinas hangga’t hindi kumikilos ang Kongreso para ipasa ang batas na magbabawal sa political dynasty, ayon kay Caloocan City Rep. Edgar Erice.

Sa isang panayam kahapon, hinamon ni Erice sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte na pangunahan ang laban kontra political dynasty kung tunay na layon ng mga ito ang reporma at pag-unlad ng bansa.

“Eh wishful thinking na rin ang mga Pilipino na magkaroon tayo ng maayos na pamahalaan,” ani Erice, matapos banggitin ng ilan na ‘hanggang pangarap’ na lang ang anti-dynasty law sa Pilipinas.

Giit ng mambabatas, ang pamamayani ng mga pamilyang politiko ang ugat ng katiwalian, kawalan ng kompetisyon, at pagkakaroon ng mga inutil na opisyal sa gobyerno.

Aniya, hangga’t nagpapalitan lang ng puwesto ang iilang pamilya sa kapangyarihan, mananatiling walang pagbabago at patuloy na maghihirap ang sambayanan.

Binigyang-diin pa ng kongresista na kung tunay na gusto nina Marcos at Duterte na maiahon sa kahirapan ang bansa at mapuksa ang korupsyon, dapat silang manguna sa pagsusulong ng batas na magbabawal sa political dynasty — kahit pa parehong nagmula ang mga ito sa kilalang political families.

Sa kasalukuyan, tinatayang 70% ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ay galing sa mga pamilyang pulitikal, dahilan kung bakit hindi pa rin umuusad ang panukalang batas na maglilimita sa kanilang kapangyarihan.

(BERNARD TAGUINOD)

28

Related posts

Leave a Comment