CHAVIT SINGSON SINAMPAHAN NG PLUNDER AT GRAFT NG MGA MAGSASAKA SA NARVACAN

SINAMPAHAN ng plunder at graft sa Office of the Ombudsman si dating Narvacan, Ilocos Sur mayor Luis “Chavit” Singson at ilang opisyal ng lokal na pamahalaan, kaugnay ng umano’y maanomalyang bentahan ng lupa at ilegal na pagpapatayo ng resthouse sa baybayin.

Batay sa tatlong pahinang reklamo ng Warriors Ti Narvacan, Inc., sa pangunguna ni Atty. Estelita Cordero, inakusahan si Singson at ang mga kasamahan nito ng pagkakasangkot sa pagbili ng halos 10 ektaryang overpriced na lupa mula sa Western Textile Mills, Inc.

Ayon sa reklamo, binili umano ang naturang lupa sa halagang ₱149,961,000, gayong ang aktwal na halaga nito ay ₱49,987,000 lamang — dahilan para umano malugi ng ₱100 milyon ang lokal na pamahalaan ng Narvacan.

Kasama sa mga respondent sa kaso sina dating Vice Mayor Pablito Sanidad Sr., kasalukuyang Mayor Edna Sanidad, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, Municipal Assessor Arlene Debina, at Raymond Ang ng Western Textile Mills, Inc.

Bukod dito, nagsampa rin ng hiwalay na reklamong graft ang isa pang grupo ng mga magsasaka at mangingisda laban kay Singson at ilang opisyal, kaugnay ng umano’y ilegal na okupasyon sa mga baybaying lupain sa Sulvec, Ilocos Sur kung saan itinayo umano ni Singson ang kanyang Santorini-style resthouse.

Kasama rin sa mga pinangalanan sa reklamo sina dating Philippine Tourism Authority General Manager Robert Dean Barbers, Ilocos Sur PENRO Rosemarie Jornacion, at mga miyembro ng Narvacan Sangguniang Bayan.

(PAOLO SANTOS)

38

Related posts

Leave a Comment