Kaya walang nakukulong DOJ, BOC, AT DA MAY SABWATAN SA SMUGGLING?

POSIBLE umanong may sabwatan ang ilang tauhan ng Department of Justice (DOJ), Bureau of Customs (BOC), at Department of Agriculture (DA) sa pagpasok ng mga smuggled agricultural products sa bansa.

Ito ang ibinunyag ni Sen. Kiko Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, matapos nilang mag-inspeksyon sa ilang container vans sa Manila International Container Port (MICP).

Ayon kay Pangilinan, may circumstantial evidence na magpapatunay ng sabwatan sa loob ng tatlong ahensya.

“Matagal nang may batas laban sa smuggling, pero hanggang ngayon — wala pa ring nakukulong,” giit ng senador.

Ibinunyag pa ni Pangilinan na mistulang flood control at POGO ang estilo ng smuggling sa bansa kung saan may empleyado sa ahensya, importer mula China, lokal na consignee, at palsipikadong dokumento.

“Panahon na para masawata ang mga sindikato sa likod ng agricultural smuggling — at managot ang mga nasa loob mismo ng gobyerno,” diin ni Pangilinan.

Panlilinlan ng BBM Admin

Samantala, tinawag ng grupong Amihan National Federation of Peasant Women na “panibagong panlilinlang” ang dalawang Executive Order (EO) na inilabas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na umano’y layong tulungan ang mga magsasaka at mangingisda pero sa katotohanan ay pawang palabas lamang.

Ayon kay Cathy Estavillo, secretary general ng Amihan, walang tunay na benepisyong makukuha ang mga maralitang magsasaka sa EO 101 na nagbibigay kapangyarihan sa Department of Agriculture (DA) na magtakda ng floor price sa palay, at sa isa pang EO kaugnay ng Sagip Saka Act.

“Lumalabas na ito ay panlilinlang lamang o pagpostura na may pag-aalala o may ginagawa ang administrasyon, samantalang wala naman itong ireresultang pabor sa interes ng mga maralitang magsasaka sa bansa,” ani Estavillo.

Ayon pa kay Estavillo, mismong si Marcos umano ang nagtutulak sa liberalisasyon at importasyon sa agrikultura sa pagpapatuloy ng Rice Liberalization Law (RLL) na ipinatupad noong 2019 — batas na aniya’y nagpabagsak sa kabuhayan ng mga magsasaka.

(JOCELYN DOMENDEN/BERNARD TAGUINOD)

14

Related posts

Leave a Comment