MAY kabuuang 561 tauhan ng Eastern Police District (EPD) ang ipapakalat sa mga sementeryo sa nasasakupan ng Pasig, Mandaluyong, Marikina at San Juan — o mas kilala sa tawag na PaMaMariSan — upang tiyakin ang kaayusan at seguridad sa Undas 2025.
Ayon kay EPD Director PBGen Aden Lagradante, magdadagdag pa sila ng 270 pulis bilang anti-criminality team sa mga matataong lugar gaya ng mga transport terminal, mall, at pangunahing lansangan.
Bukod dito, may 104 personnel na magsisilbing reactionary standby support force sa EPD Headquarters, handang rumesponde sa anumang emergency situation.
Simula Nobyembre 1 hanggang 2, tiniyak ng EPD ang maximum police visibility, seguridad, at maayos na police assistance sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day upang maging mapayapa at ligtas ang pag-alaala ng publiko.
Kasabay nito, 681 boluntaryong sibilyan o force multipliers ang tutulong sa mga pulis sa daloy ng trapiko, public assistance, at crowd control sa anim na pampubliko at walong pribadong sementeryo sa EPD area.
Magkakaroon din ng police assistance desks sa lahat ng sementeryo at matataong lugar upang agad na matugunan ang mga pangangailangan ng publiko, lalo na sa oras ng emergency.
Dagdag pa ni Lagradante, 24-oras na pagpapatrolya ang ipatutupad sa mga vital installations, kabilang ang mga naka-foot patrol, bilang babala sa mga nagbabalak gumawa ng krimen.
Upang masiguro ang disiplina at kahandaan, magsasagawa rin ang pamunuan ng biglaang inspeksyon sa mga tauhan ng EPD para matiyak na handa ang bawat isa sa anomang sitwasyon ngayong Undas.
(NEP CASTILLO)
107
