PALIT ULO PARA IWAS BULILYASO

Syanong detektib

ANG dignidad na itinaguyod sa loob ng maraming taon, gumuho sa loob lang ng isa’t kalahating buwan dahil sa walang puknat na hidwaan sa hanay ng mga tinatawag na kagalang-galang.

May mga nanindigan sa katotohanan. Meron din naman nakikiramdam lang. Pero sadyang katangi-tangi ang mga tulad ni Chiz Cake at Lord Joel na mas pinili talikdan ang prinsipyo para makaiwas sa kasong katiwalian sa likod ng tinaguriang flood control scandal.

Si Chiz Cake ang isa sa mga kapural sa likod ng budget insertions na nagbigay-daan sa budget insertions para magkaroon ng pondo ang mga imprastraktura kontra baha na pinakinabangan ng kontratistang gumastos sa kanyang kampanya.

Si Lord Joel na nagkukubli naman sa pundilyo ng ama, tiba-tiba sa flood control projects sa kanyang probinsya. Ayos na sana ang buto-buto, kaso nabisto ang demonyo.

Pareho silang sabit sa bulilyaso.

Ayon mismo kay Ombudsman Crispin Remulla, naghuhumiyaw ang mga ebidensya laban sa kanilang dalawa. Sa madaling salita, makukulong sila tulad ni Jinggoy Estrada at ang budol king na si Bong Revilla na kapwa sinampahan ng kasong plunder sa Sandiganbayan.

Subalit sa mundo ng pulitika, lahat posible depende sa diskarte.

Ang pagbaliktad ni Chiz Cake at Lord Joel ang nagsilbing tsapa nila para hindi matuloy ang mahabang bakasyon sa likod ng selda.

Ika nga ni Nobel Prize winner na si Milton Friedman: “There’s no such thing as free lunch.” May mga kondisyon ang pagkakanulo.

Sa panig nina Chiz Cake at Lord Joel, walang kaso o kulong. Sa panig ng administrasyon, wala nang imbestigasyon sa maanomalyang flood control.

Minsan tuloy hindi ko maiwasang ikumpara sina Chiz Cake at Lord Joel sa mga tulad ni Lito Lapid at Bong Go.

Si Lapid ay hindi abogado o anak ng lider ng kulto. Hindi rin siya mahusay sa wikang ingles tulad nina Chiz Cake at Lord Joel. Pero alam niya kung saan lulugar, kung kailan dapat magsalita at higit sa lahat — hindi galing-galingan.

Sa panig ni Senador Bong Go na kilalang malapit sa dating pangulo, mas minarapat magtrabaho alinsunod sa mandato kesa sumawsaw sa gulo.

Ilan na nga ba ang mga panukalang batas na kanyang akda? Hindi na mabilang pero ang pinaka tumatak sa isipan ng masa ay ang Malasakit Act na lubos na pinakikinabangan ng mga maralita.

May prinsipyo. Hindi hunyango.

71

Related posts

Leave a Comment