ATTY INTON: MGA ISYU SA IMPEACHMENT TRIAL DAPAT MUNANG LINAWIN PARA HINDI PAGDUDAHAN

MULING nagpahayag ng kanyang pananaw si Atty. Ariel Inton hinggil sa nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Inton, maraming isyung legal at procedural ang kinakailangang malinawan upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa magiging takbo ng paglilitis.

Binanggit niya ang resulta ng survey kung saan 19 porsiyento lamang umano ng mga respondent ang naniniwalang magiging patas ang impeachment trial.

Kabilang sa mga isyung kanyang tinukoy ang usapin kung sino ang dapat mamuno bilang presiding officer sa impeachment court.

Ayon kay Inton, mungkahi nila sa Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na isang mahistrado ng Korte Suprema ang mamuno sa paglilitis sa halip na isang senador.

Gayunman, sinabi niyang malinaw sa Konstitusyon na ang Chief Justice lamang ang magpe-preside kapag ang Pangulo ng Pilipinas ang nililitis sa impeachment court.

Tinanong din ni Inton ang usapin ng kinakailangang bilang ng boto para sa conviction at ang interpretasyon sa probisyong nagsasaad ng two-thirds vote ng lahat ng miyembro ng Senado.

Binanggit din niya ang resulta ng survey na nagsasabing 32 porsiyento ng mga respondent ang naniniwalang hindi ebidensya ang magiging pangunahing batayan ng magiging desisyon sa impeachment trial.

Ayon kay Inton, mahalagang maresolba ang mga usaping ito bago magsimula ang paglilitis upang maiwasan ang pagdududa ng publiko sa magiging resulta ng impeachment proceedings.

108

Related posts

Leave a Comment