FLOOD warning ang itinaas kahapon sa 10 rehiyon sa bansa dahil sa malalakas na pag-ulan dulot ng bagyong Francisco, habagat at mga thunderstorm na maaaring magdulot ng pagbaha.
Kasabay nito, itinaas na rin ang Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng bansa habang patuloy na lumalakas ang bagyo, ayon sa PAGASA.
Kabilang sa mga rehiyong nakataas ang flood warning ang MIMAROPA, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, Caraga at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nagbabala ang state weather bureau na maaaring makaranas ng malalakas na ulan at hangin maging ang mga lugar na nasa labas ng forecast confidence cone ng bagyo.
Ayon sa PAGASA, ang lawak ng epekto ng Bagyong Francisco ang pangunahing nakaaapekto sa eastern seaboard ng bansa habang ang habagat naman ang nagdadala ng pag-ulan sa Visayas, Mindanao at Palawan.
Samantala, mahigpit na binabantayan ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng epekto ng bagyo sa sektor ng agrikultura.
Ayon sa ahensya, aabot sa 66,997.01 ektarya ng mga pananim ang maaaring maapektuhan ng sama ng panahon.
Kabilang dito ang 53,652.72 ektarya ng palayan at 13,344.29 ektarya ng maisan.
Malaking bahagi ng mga ito ay nasa seedling at reproductive stage pa lamang.
Posible pang madagdagan ang mga maaapektuhang lugar habang patuloy na lumalakas ang bagyo.
Kabilang sa mga unang natukoy na maaaring maapektuhan ang MIMAROPA, Bicol Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Caraga Region, Cagayan Valley at Central Luzon.
Nagpalabas na rin ang DA ng mga abiso sa mga regional office nito upang bantayang mabuti ang kalagayan ng mga magsasaka at sakahan sa mga lugar na maaaring tamaan ng bagyo.
Sa kabila nito, umaasa ang ahensya na makatutulong din ang mga pag-ulan upang mabawasan ang epekto ng naunang tagtuyot sa ilang lugar.
(JESSE RUIZ)
66 