MGA NEGOSYANTE, CIVIC LEADERS SA BATANGAS, SUPORTADO ANG PAGPASOK NG MERALCO SA BATELEC II

Nagpahayag nang matibay na pagsuporta ang Batangas Forum for Good Governance and Development Association, Inc. sa planong joint venture sa pagitan ng Manila Electric Company (Meralco) at Batangas II Electric Cooperative (BATELEC II), na inaasahang makatutulong para mas maiangat pa ang kalidad ng serbisyo ng kuryente sa mga lugar na sakop ng electric cooperative.

Matagal nang nagbababala tungkol sa madalas na problema sa kuryente ang grupo na binubuo ng mga negosyante, civic leaders, propesyonal, at mga residente ng Batangas dahil nakaaapekto ang serbisyo ng BATELEC II sa operasyon ng mga negosyo at nagiging suliranin sa pag-angat ng ekonomiya sa probinsya.

Naglabas ng resolusyon na pirmado ng mga opisyal ng Batangas Forum nitong Oktubre 29, 2025 bilang pormal na pagsuporta sa naturang joint venture.

Kinilala ng Batangas Forum sa karanasan at kakayahan ng Meralco kaya naniniwala ang grupo na maihahatid nito ang mga sistema, puhunan, at maayos operasyon na kinakailangan upang magbigay ng mas maaasahang serbisyo sa mga lokal na negosyo at komunidad — gaya ng ginagawa ng kumpanya sa Batangas City, Sto. Tomas at San Pascual.

“Ang pakikipagtulingan ng pribadong sektor sa mga electric cooperative, tulad ng BATELEC II, sa pamamagitan ng isang joint venture agreement sa Meralco ay magbibigay ng konkretong solusyon upang mapabilis ang modernisasyon ng imprastraktura, mapalakas ang katatagan ng sistema at matugunan ang lumalaking pangangailangan ng industriyal, komersyal, at kabahayan sa Batangas,” ayon sa resolusyon.

Ang BATELEC II ang nagbibigay ng serbisyo kuryente sa mga lungsod ng Lipa at Tanauan, at sa 15 bayan, kabilang ang: Alitagtag, Balete, Cuenca, Laurel, Lobo, Malvar, Mataas na Kahoy, Mabini, Padre Garcia, Rosario, San Jose, San Juan, Talisay, Taysan, at Tingloy.

“Ang maaasahan at makabagong distribusyon ng sebisyo ng kuryente ay ay susi sa ganap na pag-unlad ng Batangas bilang sentro ng lumalagong industriya ng kalakalan, agrikultura at turismo Timog Luzon,” dagdag pa ng grupo.

Sa pagpapahayag ng suporta, nanawagan din ang Batangas Forum sa BATELEC II na pangalagaan ang kapakanan ng mga empleyado, panatilihin ang patas na oportunidad sa trabaho, at itaguyod ang propesyonal na pag-unlad bilang bahagi ng proseso.

Hinimok din ng grupo ang mga lokal na pamahalaan, sektor ng negosyo, at mga komunidad na suportahan ang inisyatibang ito at tiyakin ang mahigpit na koordinasyon, malinaw at bukas na komunikasyon, at regular na pagbibigay ng impormasyon sa mga miyembro-konsumer hinggil sa joint venture.

207

Related posts

Leave a Comment