TINALAKAY ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang mga plano para sa pagpapaunlad ng Halal Town at rehabilitasyon ng Golden Mosque Complex sa Quiapo, Maynila.
Magkasamang inikot nina Domagoso, Pangandaman, Vice Mayor Chi Atienza, at mga opisyal ng Department of Tourism and Cultural Affairs of Manila (DTCAM) ang Halal Town bilang bahagi ng paghahanda para sa ASEAN Summit sa susunod na taon, kung saan host ang Pilipinas.
Pinuri ni Pangandaman ang konsepto ng Halal Town at tiniyak ang suporta ng DBM, lalo na sa pagpapatupad ng restorasyon ng Golden Mosque. Ayon sa kanya, maglalaan ng pondo ang pamahalaan ng United Arab Emirates (UAE) para sa proyekto, bilang tugon sa direktiba nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos na i-upgrade ang makasaysayang lugar na itinayo pa noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon kay Pangandaman, ang rehabilitasyon ay naglalayong palakasin ang interfaith unity at cultural tourism sa Maynila, lalo na sa simbolikong ugnayan ng Quiapo Church at Golden Mosque.
Pinuri rin niya ang lokal na pamahalaan sa pagtataguyod ng mga proyektong nagbubukas ng trabaho, kalakalan, at kabuhayan para sa mga residente.
Ipinahayag naman ni Domagoso ang pasasalamat sa DBM sa suporta at binigyang-diin na ang Halal Town ay magsisilbing modelo ng balanseng pag-unlad. Aniya, “Ang Quiapo ay parehong tahanan ng Muslim at Nazareno na simbolo ng pagkakaisa sa Maynila.”
(JOCELYN DOMENDEN)
47
