Ilang LGUs nagdeklara ng no classes TROPICAL STORM TINO SIGNAL NUMBER 3 NA

walang pasok12

ILANG local government units partikular sa Visayan region, ang nagdeklara ng suspension of classes nitong Lunes dahil sa inaasahang paglakas pa ng Bagyong Tino na magdadala ng mga pag-ulan ngayong idineklara na sa typhoon warning signal number 3 ang ilang lalawigan.

Maaga pa lamang ay mabilis na nag-intensify si Tino bago pa mag-landfall o umabot sa peak intensity nito sa bahagi ng Eastern Samar o Dinagat Islands mula nitong Lunes hanggang ngayong Martes.

Sa huling weather bulletin na inilabas ng PAGASA kahapon ng tanghali, sinasabing lumakas ang Severe Tropical Storm Tino (international name: Kalmaegi) at naging Typhoon category ito.

Ayon sa state weather bureau, umabot si Tino sa kategorya ng typhoon dakong alas-8 ng umaga, at ang sentrong tinatahak ni Tino ay tinatayang nasa 340 km silangan timog-silangan ng Guiuan, Eastern Samar.

Taglay nito ang hangin na 120 km/h at pagbugsong aabot sa 150 km/h habang kumikilos si Tino pakanluran timog-kanluran sa bilis na 25 km/h.

Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 sa southeastern portion ng Eastern Samar (Guiuan, Mercedes); –Dinagat Islands at Siargao and Bucas Grande Islands

Maging ang highly urbanized cities ay pinaghahanda ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng maranasan ang malalakas na ulan dala ng Bagyong Tino.

Sinabi ni PAGASA Senior Hydrologist Oyie Pagulayan, marami kasing highly urbanized na siyudad ang daraanan ng bagyo.

Aniya, posibleng maranasan dito ang mga pagbaha dulot ng malakas na bagyo kaya’t kailangang maghanda ang mga residente, lalo na ang mga nasa mabababang lugar.

Inihayag ni Engineer Juanito D. Galang, PAGASA chief, Weather Division, bagama’t malaki ang posibilidad na hindi magtaas ng Tropical Cyclone Warning Signal sa kalakhang Maynila, ay maka-aapekto pa rin ang bagyo sa malaking bahagi ng Metro Manila.

Kahapon mahigit 25,000 paaralan na sa bansa ang nasa panganib ng pagbaha at rain-induced landslide dahil sa malalakas na pag-ulan dulot ng Severe Tropical Storm Tino, ayon sa Department of Education (DepEd).

Sa tala ng DepEd-Disaster Risk Reduction and Management Service, 9,558 paaralan ang delikado sa pagbaha habang 15,668 paaralan ang lantad sa banta ng landslide.

Pinayuhan ng DepEd ang mga paaralan at lokal na pamahalaan na ihanda ang emergency response, at tiyaking ligtas ang mga kagamitan at supplies nito.

(JESSE RUIZ)

183

Related posts

Leave a Comment