GINAGALUGAD ng mga awtoridad ang crash site ng bumagsak na Super Huey helicopter ng Philippine Air Force na ikinamatay ng dalawang piloto at apat na crew nito sa Agusan del Sur.
Ayon kay PAF spokesperson, Colonel Ma. Christina Basco, tuloy-tuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Philippine Air Force (PAF) sa bumagsak na Super Huey helicopter, kasama ang ilang mga tauhan mula Scene of the Crime Operatives (SOCO) na nananatiling nasa crash site nitong Miyerkoles, para mahanap ang flight data recorder ng chopper at makalap ang pira-pirasong bahagi nito na magagamit sa imbestigasyon.
“Isa po sa kasamang hahanapin din ay ‘yung black box. Nandun pa rin po [ang investigators] sa crash site, ini-investigate po nila. Rest assured that the conduct of the investigation is immediate and it’s a priority na matapos po kaagad,” pagtitiyak ni Basco.
Naniniwala ang pamunuan ng PAF sa airworthiness ng kanilang chopper at nasa magandang kondisyon ito nang inatasang magsagawa ng humanitarian mission.
“Yung aircraft po natin, nag-take off po siya, meron po tayong in-observe na wind limitations or wind conditions. So, kapag hindi po favorable ‘yung wind conditions natin, we do not takeoff because the safety of our aircrew is paramount. So, nung time na ‘yun, naka-takeoff po sila and they were able to conduct that mission nga po sana. Unfortunately, nangyari nga po yung mishap,” ani Basco.
Kabilang sa mga anggulong tinututukan ng crashed probers na nasa likod ng pagbagsak ng helicopter, ang weather conditions, technical or mechanical issues.
“We cannot pinpoint exactly as of now kung ano [ang cause] hangga’t hindi pa natatapos ‘yung investigation… ‘Yun pong weather and also, maybe, it could also be the technical or mechanical aspect. So, ‘yun po ang masusing pinag-aaralan ng ating mga aircraft investigators so that we would know the cause of the mishap,” paliwanag ng tagapagsalita.
Ang ill-fated aircraft ay sinasabing bumagsak sa bisinidad na saklaw ng bayan ng Loreto nitong Martes habang nagsasagawa ng rapid damage assessment and needs analysis (RDANA) mission bilang suporta sa AFP Eastern Mindanao Command (EastMinCom) humanitarian mission kasunod ng pananalasa ng Bagyong Tino.
Na-recover na ng mga sundalo ang labi ng anim na sakay ng choppers kabilang ang isang Air Force captain at isang tenyente ng hukbo.
Magugunitang lumipad ang Super Huey mula sa Davao City kasama ang dalawang Black Hawks at isang Bell helicopter na tumulong din sa paghahanap sa Huey matapos na mawala ito sa kanilang communication kaya natunton ang crashed site.
Pansamantalang grounded muna ang nalalabing Huey helicopters ng PAF hanggang hindi natatapos ang pagsisiyasat sa insidente.
(JESSE RUIZ)
73
