BISTADOR ni RUDY SIM
ANG tahanan ay isang pangunahing pangangailangan. Pangarap ng bawat Pilipino ang magkaroon ng sariling bahay, hindi lang ito nangangahulugan ng seguridad at ginhawa, makatutulong din ito sa pagpapaunlad ng bawat miyembro ng pamilya.
Ngunit sa hirap ng buhay ngayon at nagtataasang presyo ng mga bilihin sa Metro Manila, tila suntok sa buwan ang magkaroon ng sariling bahay.
Sabi nga ng mga eksperto, umabot na sa 6.5 milyong tahanan ang kakulangan sa pabahay sa buong bansa, at posibleng lumobo pa sa 10 milyon bago matapos ang kasalukuyang administrasyon. Sa Metro Manila pa lang, libo-libo at posibleng nasa milyon na ang pamilyang nakatira sa mga barong-barong, sa tabi ng estero, o kaya’y nakikisiksik sa kamag-anak dahil hindi kaya ang mataas na renta o hulog sa condo.
Kaya kapag may mga lider na gumagawa ng paraan upang masolusyonan ang kakulangan sa pabahay, gaya nitong nangyari sa Distrito Dos, aba, dapat talagang ipagdiwang!
Tatlong dekada nang pasan ng mga taga-Distrito Dos ang loan penalties sa ilang housing projects — pero ito na ang game-changer: mahigit P2.3 bilyon sa penalty, burado na! Tila nalusaw sa loob ng tatlong taon ng tiyaga at pakikipag-ugnayan.
Galing mismo kay QC District 2 Representative Ralph Tulfo ang balita. Natupad na nga ang isa sa mga pangarap nila sa District 2. Ang HIGC-NGC Medium Rise Housing: mula P2.6 bilyon, ngayon ay P488 milyon na lang! Sa HIGC-NGC 18C: mula P224 milyon, ngayon ay P41 milyon na lang! Kumbaga, kung dati ay parang bundok ang utang, ngayon ay burol na lang, at kayang-kaya nang akyatin!
Hindi lang ito tungkol sa pera. Para sa maraming pamilya, ito ay pag-asa — dahil mas mababawasan na ang hadlang bago makuha ang matagal nang minimithing titulo at seguridad sa paninirahan.
Ipinagpasalamat ni Cong. Ralph ang tulong ng National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) na pumayag sa condonation, pati na ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), National Housing Authority (NHA), National Government Center (NGC), at People’s Consultative Council (PCC) na tumulong para maisakatuparan ito.
Higit sa lahat, hindi ito madali. Kaya naman bilib ako sa sipag at tiyaga ni Cong. Ralph. Tunay na kung gusto, may paraan.
Sa isang lungsod kung saan ang karaniwang empleyado ay gumagastos ng halos kalahati ng sahod sa renta, ang ganitong klaseng tagumpay ay may malalim na epekto.
Tulad ng sabi ni Rep. Ralph, hindi dito nagtatapos ang laban. Patuloy raw niyang isusulong ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya para tuloy-tuloy ang programa tungo sa seguridad ng paninirahan sa Distrito Dos.
Ang tagumpay na ito ay patunay na kapag may responsable at tapat na lider, posible ang imposible.
Sana’y makita natin ito sa iba pang mga lingkod-bayan, at hindi lamang sa QC! Doon tayo sa hindi puro pangako lang tuwing eleksyon, dapat may aktuwal na resulta.
Sa panahon ngayon, bihira na ang ganitong kwento. Habang karamihan ay abala sa pulitika, may mga lingkod-bayan na tahimik pero kumikilos — at ang bunga, diretso sa tao at ramdam ng tao.
Sa totoo lang, sa rami ng problema sa pabahay, hindi ito ang katapusan. Pero siguradong ito ay isang malaking hakbang pasulong. Sa halip na puro reklamo, ito ang ebidensya: kapag may malasakit, may paraan.
Kaya sa mga taga-Distrito Dos: Congrats! Sa wakas, mas maliwanag na ang daan papunta sa tahanang tunay ninyong maipagmamalaki. Sana all!
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
117
