SINGSON KAY BBM: PAIMBESTIGAHAN MO SA ICI ANG ILOCOS NORTE

PUNA ni JOEL O. AMONGO

SINABI ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson kay Pangulong Junjun Marcos na kung gusto niyang maniwala sa kanya ang mga Pilipino, unahin niyang paimbestigahan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga proyekto ng flood control sa Ilocos Norte na kanyang lalawigan.

Natuklasan ni Singson na mismong sa Ilocos Norte ay maraming flood control projects na ang kontraktor ay ang pamilyang Discaya.

Sinabi ni Singson, lumalabas na ang Ilocos Norte ay pangatlo sa Bulacan at Mindoro na pinakamalaking pinaglaanan ng pondo para sa flood control projects na inaward ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang ipinagtataka ni Singson ay kung bakit tila iniiwasan ang Ilocos Norte sa imbestigasyon sa flood control project anomalies.

Sinabi rin ni Singson sa Pangulo na kahit ang Ilocos Sur na kanyang lalawigan, ay bukas para sa imbestigasyon ng ICI dahil wala siyang itinatago.

Binanggit din ni Singson sa bukod sa mga Discaya ay mayroon pang isang paboritong contractor sa mga proyekto sa Ilocos Norte, na mayor sa isang bayan sa nabanggit na lalawigan, na malapit sa pamilyang Marcos.

Aniya, kung gusto ng Pangulo na pinagkatiwalaan siya ng mga Pilipino, unahin niyang paimbestigahan ang sarili niyang probinsiya, ang Ilocos Norte, hindi turo nang turo sa ibang anomalya sa ibang lugar tapos ang lalawigan niya ay mananatiling hindi paiimbestigahan.

Pinuna rin ni Singson ang sinabi ni Junjun Marcos nitong nakaraang July 2025 State of the Nation Address (SONA) na “MAHIYA NAMAN KAYO,” imbes na dapat umanong sinabi ng Pangulo ay “MAHIYA NAMAN TAYO,” dahil kasama siya sa katiwalian.

Ayon pa kay Singson, hindi maaaring wala siyang pananagutan (BBM) dahil siya ang pumirma sa national budget na kung saan ay may mga isiningit na pondo na pinagkunan ng pera na ginamit sa maanomalyang flood control projects.

Sinabi naman ni Caloocan City Representative Egay Erice, mula taon 2023, 2024 at 2025, umabot sa P1.47 trillion ang insertions ng mga mambabatas na nagamit sa katiwalian.

Tapos ngayon ay pilit na itinatanggi ni Junjun Marcos na siya may kinalaman sa anomalya dahil siya ang nagbulgar sa pamamagitan ng kanyang SONA.

Sino ba ang pumirma sa national budget sa mga taon na iyan, si dating Pangulong Duterte ba?

Maging ang hindi kakampi ni FRRD na si dating Supreme Court Justice Antonio Carpio ay nagsabi na hindi maaaring walang pananagutan si Junjun Marcos dahil pinirmahan niya ang national budget.

Ganoon din ang sinabi ni dating Senador Franklin Drilon na sa tagal niyang naging senador ay ngayon lang siya nakarinig na ang 2025 National Budget ang pinakorap.

Ngayon ay unti-unti nang nababawasan ang mga naniniwala sa mga sinasabi ni Junjun Marcos dahil hanggang ngayon ay wala pa ring nasasampahan ng kaso sa binanggit na mga mambabatas. Hindi natin alam kung hanggang kailan maghihintay ang mga Pilipino sa magiging resulta ng imbestigasyon.

Marami na ring mga artista ang dismayado sa mga pangyayari. Nanghihinayang sila sa pagbabayad ng buwis dahil ninanakaw lang naman ng korap na mga opisyal ng gobyerno na mismong mga kongresista at senador na gumagawa ng mga batas.

Maging ang mga pari ay iisa ang sinasabi sa kanilang misa, ang nangyayaring matinding korupsyon ngayon sa pamahalaan.

Hindi ko maintindihan kung bakit hindi tinatablan ng kahihiyan itong mga magnanakaw na mga kongresista at senador.

Ipinangangalandakan pa ng kanilang pamilya ang kanilang yaman na galing naman sa nakaw.

Ipagdasal na lang natin na sana ay tablan sila ng kahihiyan at makapag-isip na mali ang kanilang ginawa.

                                                                                                                                                        -oOo-

Para sa reklamo at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

55

Related posts

Leave a Comment