ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ipinag-utos ng Philippine National Police (PNP) na gawing simple at matipid ang lahat ng Christmas at year-end celebrations ng kanilang mga yunit sa buong bansa bilang pakikiisa sa mga Pilipinong naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.
Sa pangunguna ni Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., tiniyak ng PNP na magiging makabuluhan at makatao ang pagdiriwang ngayong Kapaskuhan.
Agad na inatasan ni Nartatez ang lahat ng Regional, Provincial, at Station Commanders na panatilihing payak ang kanilang mga selebrasyon at iwasan ang magarbo o labis na pagtitipon.
Sa halip, hinimok ng PNP ang mga tanggapan at unit nito na ituon ang kanilang pondo sa mga proyektong pangkomunidad gaya ng pamamahagi ng regalo, outreach programs para sa mahihirap na pamilya, at iba pang gawaing nagpapakita ng tunay na diwa ng serbisyo publiko sa panahon ng Kapaskuhan.
“The PNP fully supports the President’s call for simple and meaningful celebrations. As public servants, we must lead by example in practicing humility, discipline, and compassion, especially during this season of giving,” pahayag ni Nartatez.
Matatandaan na una nang nagpaalala ang Malacañang sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na gawing payak ang kanilang holiday celebrations, lalo na’t patuloy pang bumabangon ang maraming Pilipino mula sa pinsalang dulot ng lindol, pagputok ng bulkan, at Bagyong Tino na kumitil ng maraming buhay.
(TOTO NABAJA)
77
