PINAKILOS ng Office of the Ombudsman ang binuong special task force para magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Tino, kasunod ng hinalang may kinalaman dito ang umano’y flood control scam.
Sa inilabas na pahayag ng Ombudsman, sinabi ng ahensya na duda ang anti-graft body sa mga proyekto sa Cebu City at iba pang lugar na dapat sana’y nagsilbing panangga laban sa malawakang pagbaha, ngunit mistulang napabayaan o hindi natapos.
Kasabay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang Ombudsman sa mga pamilya ng mga nasawi sa kasagsagan ng bagyo at tiniyak na makakamit ng mga biktima ang hustisya.
Batay sa pinakahuling tala ng Office of the Civil Defense (OCD), 188 katao na ang kumpirmadong nasawi sa pananalasa ni Tino.
Samantala, sumugod sa tanggapan ng Ombudsman ang mga militanteng grupo para manawagan ng pananagutan sa mga tiwaling opisyal na dawit sa flood control projects.
Nagkagirian ang mga raliyista at pulis matapos magkasigawan at magtulakan sa gitna ng tensiyon. Ilan sa mga nagprotesta ay bumuntot sa convoy ni Ombudsman Boying Remulla habang papasok ito sa gate ng tanggapan, ngunit agad silang hinarang ng barikada ng kapulisan para hindi makalapit sa opisyal.
(JULIET PACOT)
68
