INTERNATIONAL PROGRESS INC., DEDMA SA SIGAW NA TULONG

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

SA kabila ng pagkakalathala sa ating kolum noong Nobyembre 23 tungkol sa panawagan ng overseas Filipino worker (OFW) na si Daisy Villamar Gabriel, tila bingi at bulag umano ang International Progress Inc. — ang ahensiyang nag-deploy sa kanya, dahil hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na tugon o agarang aksyon upang iligtas ang kanilang manggagawa na nasa kritikal nang sitwasyon sa Saudi Arabia.

Ayon sa nakalap nating impormasyon, isinugod na sa ospital kamakailan si Daisy matapos tuluyang bumigay ang kanyang pangangatawan dahil sa matinding pagod, kawalan ng pahinga, at pang-aabuso umano mula sa kanyang employer.

Ilang ulit na raw niyang hiniling na ibalik siya sa agency, ngunit nanatili umano itong walang aksyon at tila ba dedma sa kanyang matinding paghingi ng saklolo.

Ngayon, sa kabila ng kanyang lumalalang kondisyon, patuloy pa rin umano ang pagtutulak sa kanya na magtrabaho kahit hirap na siyang huminga at halos hindi na makatayo.

Dahil dito, napipilitan siyang magkulong sa kwarto nang mag-isa upang makaiwas sa trabaho na hindi na kayang gampanan ng kanyang nanghihinang katawan.

Ilan sa mga sumbong at karanasan ni OFW Daisy ay ang sobra-sobrang trabaho.

Ayon kay Daisy, umaabot daw hanggang 3:00 AM ang kanyang trabaho bago pa siya nakakakain. Siya lamang mag-isa ang gumagawa sa isang tatlong-palapag na bahay, dahilan para tuluyang mahubaran ng lakas ang kanyang katawan.

Inirereklamo rin niya na pinagtatrabaho siya kahit may sakit. Apat na araw umano siyang hindi makalakad dahil sa injury. Wala raw siyang natanggap na pagkain, tubig o anomang pag-aalaga mula sa employer. Naging desperado siya at gumapang papunta sa CR para lang makainom.

Namamaga at nagsusugat ang mga kamay, nahihirapang huminga, at labis na nanghihina ang buong katawan —malinaw na mga palatandaan ng seryosong pagkapagod at posibleng dehydration, infection o mas malubhang komplikasyon.

Sa puntong ito, nakasalalay ang buhay ni Daisy sa agarang pagkilos ng mga dapat kumilos — ang agency, ang embahada, at ang mga kinauukulan sa gobyerno. Hindi na dapat hintayin na may masamang mangyari bago maglabas ng tugon.

Ang buhay ng OFW ay hindi dapat binabalewala. Hindi dapat nauuwi sa tahimik na pagdurusa at paghingi ng tulong na walang nakikinig.

124

Related posts

Leave a Comment