NAGHAHANDA na ang Department of Justice (DOJ) para isampa ang mabibigat na kaso laban kay Charlie “Atong” Ang at ilang pulis na sangkot sa serye ng pagdukot at pagpatay sa mga nawawalang sabungero.
Sa press briefing, inihayag ni State Prosecutor Anthony Fadullon na final na nilang inaayos ang dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban kay Ang at higit 20 iba pa, matapos ang inilabas na resolusyon na nagrerekomendang iakyat ang mga kaso sa korte. Target ng DOJ na sampahan ang mga kaso sa mga korte ng Batangas, Laguna, at Parañaque sa susunod na linggo.
Hihilingin din ng DOJ na i-consolidate ang mga kaso para hindi magkawatak-watak ang mga pagdinig. Pagkahain ng kaso, may 10 araw ang korte para maglabas ng warrant of arrest sa mga akusado. May 15 araw naman ang kampo ni Ang para maghain ng motion for reconsideration—pero hindi na ito hihintayin ng DOJ.
Kinumpirma rin ng DOJ na non-bailable ang 10 counts of kidnapping with homicide at 16 counts of kidnapping with serious illegal detention na kakaharapin ni Ang at ng mga kasabwat. Maaari pa rin silang maghain ng motion para makapasa ng piyansa, pero mabigat ang laban.
Samantala, ipinaliwanag din ng DOJ kung bakit naipasok sa Witness Protection Program ang magkapatid na Patidongan. Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, ang testimonya nina Julie “Dondon” Patidongan at Ellakim Patidongan ang “nagkumpleto sa buong kwento” ng sinapit ng mga nawawalang sabungero.
Si Dondon umano ang middleman—kumausap sa mga nandadaya sa sabong, direktang tumatanggap ng utos mula kay Atong Ang, at nakikipag-ugnayan sa pulis para sa pagdukot. Si Ellakim naman ang naglatag ng detalye mula sa mismong pagdukot hanggang sa pagtatapon ng mga biktima sa Taal Lake.
Dahil sa kanilang kooperasyon para matukoy ang mastermind, ibinasura ang kaso ng magkapatid at agad silang isinailalim sa witness protection program.
(JULIET PACOT)
74
