GOITIA: GAWANG PINOY NA COBRA SYSTEM, HUDYAT NG BAGONG YUGTO SA PAMBANSANG DEPENSA

“HINDI nasusukat ang lakas ng bansa sa mga inaangkat nito, kundi sa mga kaya nitong likhain para sa sarili.”

Ito ang mariing pahayag ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia matapos i-turn over ng Department of Science and Technology (DOST) sa Department of National Defense (DND) ang gawang-Pilipinas na Controller Operated Battle Ready Armament o COBRA automated weapon system—isang “milestone” na aniya’y nagpapatibay sa direksiyon ng bansa tungo sa sariling kakayahan sa depensa.

Ayon kay Goitia, malinaw na ipinapakita ng COBRA na kaya ng Pilipinas na lumikha ng makabagong teknolohiya at hindi lang umasa sa imported na kagamitan. Tagumpay umano itong bunga ng matatag na pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagtutulak ng modernisasyon at local capability sa defense sector.

Ang COBRA system, na binuo ng DOST–Metals Industry Research and Development Center (MIRDC), ay dinisenyo para sa .50-caliber weapons at maaaring ikabit sa iba’t ibang sasakyang pandigma. Patunay ito, ani Goitia, na ang talento at siyensiya ng Pilipino ay konkreto nang nakakatulong sa pambansang seguridad, kasabay ng pagtutulakan ng DOST, DND at Armed Forces of the Philippines (AFP) na palakasin ang kakayahan ng bansa.

Matagal umanong nakaasa ang Pilipinas sa dayuhang defense equipment, pero ang COBRA ay “malinaw na pahiwatig” na handa na ang bansa na magtayo ng sariling lakas. Pinuri rin ni Goitia ang administrasyon ni Marcos sa pagtataguyod ng kapaligiran na nagbibigay-daan sa innovation at solusyong likha mismo ng mga Pilipino.

“Ang inobasyon ay nagiging tunay na mahalaga kapag pinatitibay nito ang kakayahan ng estado na pangalagaan ang mamamayan,” aniya.

Para sa AFP, mahalagang bahagi ng modernization goals ang COBRA, na nagpapalakas sa mobility, precision at mission adaptability habang binabawasan ang pagdepende sa foreign tech. “Ang paggamit ng sariling gawang teknolohiya ay pag-iinvest hindi lamang sa sandata kundi sa kinabukasan ng ating pambansang depensa,” ayon sa Philippine Army.

Giit ni Goitia, pinatitibay ng paggamit ng local technology ang kumpiyansa sa loob ng militar at ng publiko, at patunay din ito ng seryosong pagtatrabaho ng AFP at DND para matiyak na ang modernisasyon ay may direksyon at tunay na kapaki-pakinabang sa operasyon.

Binigyang-diin niya na ang COBRA ay resulta ng epektibong pagtutulungan ng DOST, DND at Philippine Army—isang halimbawa ng gobyernong kumikilos nang may pagkakaisa. Pinuri rin niya si Pangulong Marcos sa pagpapatatag ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya na nagbubunga ng konkretong resulta.

“Kapag nagkakaisa ang mga ahensya, nakikita ng publiko ang gobyernong kayang tugunan ang tunay na pangangailangan,” dagdag niya.

Para kay Goitia, ang COBRA ay higit pa sa bagong kagamitan. Isa itong simbolo ng tumitibay na tiwala sa talento ng Pilipino at ng seryosong hangarin ng pamahalaan na palakasin ang depensa ng bansa—tugma sa direksyong itinutulak ni Marcos para sa mas moderno at self-reliant na Sandatahang Lakas.

“Ang bansang naniniwala sa sariling kakayahan ay nagiging mas matatag at mas marangal. Ang tunay na pag-unlad ay ginagawa, hindi inaangkat,” aniya.

Si Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic-oriented organizations: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga

Independencia Pilipinas (LIPI) at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.

116

Related posts

Leave a Comment