ILALATAG muna ng House prosecution panel ang artikulo hinggil sa assassination plot, grave threats at inciting to sedition sa nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
Ito ang nakasaad sa isinumite nilang preferred sequence of evidence sa Senate impeachment court noong Hunyo 22.
Ayon kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, nakabatay ang pagkakasunod-sunod sa trial strategy at sa layuning mas madaling maunawaan ng publiko ang mga alegasyon at ebidensya.
“The sequence, according to the presentation of evidence, Article 4, assassination plot, grave threats and inciting sedition against the government,” ani Adiong.
Kasunod nito ang Article 1 na tumatalakay sa umano’y misuse at misappropriation of confidential funds, pagkatapos ay Article 3 hinggil sa bribery at corruption sa Department of Education.
Huling ilalatag ang Article 2 na may kinalaman sa umano’y unexplained wealth, false Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at patuloy na business interests.
Ayon sa prosecution panel, inilagay sa huling bahagi ang naturang artikulo dahil sa dami at kapal ng mga dokumentong sangkot dito.
Samantala, pinag-aaralan din ng House prosecutors ang ilang major procedural reforms bago magsimula ang impeachment trial.
Kabilang dito ang paggamit ng Filipino at English bilang opisyal na wika ng paglilitis, pati ang panukalang obligahin ang magkabilang panig na ihayag ang kanilang mga saksi tatlong araw bago ang pagtestigo ng mga ito.
Ayon kay Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, pinag-uusapan din ang partisipasyon ng mga public at private prosecutors sa presentasyon ng mga testigo.
Kasama rin sa pinag-aaralan ng prosecution panel ang pagbubukas ng tinatawag na “BIR box” na naglalaman ng mga tax records na nakalap noong imbestigasyon ng House Committee on Justice.
Gayunman, nilinaw ni Luistro na wala pang pinal na desisyon sa mga naturang panukala.
(TINA MENDOZA)
91 