On the Level ni JUNEX DORONIO
MAY isang imaheng madaling pumasok sa isip kapag naririnig ang katagang “Laging Handa”—ang Boy Scouts na laging nakaposisyon, organisado, at handang tumulong sa oras ng pangangailangan.
Sa gitna ng sunod-sunod na kalamidad sa bansa, tila ganito rin ang anyo ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD): alerto, mabilis kumilos, at hindi natitinag sa hamon ng panahon.
Kamakailan lamang, naglabas ang DSWD ng higit sa P378.3 milyon na tulong para sa mga komunidad na lubhang naapektuhan ng 7.8 magnitude na lindol sa Southern Mindanao.
Batay sa ulat ng Disaster Response Operations Monitoring, Information and Communication (DROMIC), umabot sa 380,379 pamilya o 1,627,376 indibidwal ang naapektuhan sa 635 barangay sa iba’t ibang rehiyon kabilang ang Zamboanga, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, at BARMM.
Hindi biro ang lawak ng pinsala—ngunit hindi rin biro ang naging tugon ng pamahalaan. Mula sa mobile kitchens na naghahain ng mainit na pagkain, hanggang sa family tents para sa pansamantalang tirahan, malinaw na may sistemang gumagana.
Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao, “Nandiyan din ang ready-to-eat food boxes, non-food items and of course ang Assistance to Individuals in Crisis Situation na tulong na naipaabot natin at nagpapatuloy pa rin ang humanitarian assistance and disaster response efforts ng ating pong pamahalaan.”
Ang ganitong antas ng kahandaan ay hindi aksidente. Ito ay bunga ng malinaw na direktiba mula sa Pangulong Bongbong Marcos.
Ani Dumlao, “Patuloy na gagawin ito ng DSWD. Ito po ang commitment namin kasi ito rin ang utos ng Pangulong Marcos Jr. sa DSWD. Tiyakin po na walang maiiwanan d’yan po sa mga pamilyang naapektuhan.”
Kung susuriin, ang tunay na sukatan ng kahusayan ng isang ahensya ay hindi lamang sa laki ng pondo, kundi sa bilis at bisa ng paggamit nito.
Sa kasong ito, may higit sa P4.3 bilyon na halaga ng food at non-food items ang naka-preposition na sa iba’t ibang rehiyon, kasama ang Quick Response Fund na P94.378 milyon—isang malinaw na patunay na hindi naghihintay ang DSWD ng sakuna bago kumilos.
Mas kapansin-pansin pa ang kakayahan ng ahensya na sabay harapin ang magkaibang krisis.
Habang patuloy ang relief operations sa Mindanao, nakatutok din ang DSWD sa paparating na banta ng Bagyong Francisco sa Luzon.
Sa ilalim ng “Buong Bansa Handa Program,” dalawang supply chains ang sabay na pinaandar upang matiyak ang tuloy-tuloy na daloy ng tulong.
Dagdag pa ni Dumlao, “Hindi tayo maghihintay ng ilang araw bago tayo makatugon sa pangangailangan ng mga kababayan natin naapektuhan… habang patuloy tayo nag-provide ng assistance sa Mindanao, we’re ready to provide the same assistance dito naman sa bandang Luzon na maaaring masalanta nitong bagyo.”
Sa Batanes pa lamang, may mga container vans nang ipinadala na may dalang libu-libong family food packs, kitchen kits, at modular tents—bago pa man tuluyang tumama ang bagyo.
Ito ang uri ng gobyernong hindi reactive kundi proactive.
Sa huli, ang DSWD ngayon ay parang isang modernong bersyon ng Boy Scouts: hindi lang “Laging Handa” sa salita, kundi sa gawa.
Sa panahong ang kalamidad ay tila bahagi na ng ating realidad, ang ganitong klase ng kahandaan ang nagbibigay ng katiyakan na sa gitna ng unos, may gobyernong maaasahan—agad, sapat, at walang iniiwan.
Kagaya ngani ng Boy Scouts, ang DSWD ay laging handa.
*****
Para sa reaksyon, email doroniojunex777@gmail.com
87 