PEÑARANDA, Nueva Ecija – Sa loob lamang ng isang buwan sa pamumuno ni Officer-in-Charge PCPT Silvestre C. Colanza, nakapagtala ang Peñaranda Municipal Police Station (MPS) ng mahahalagang operasyon laban sa kriminalidad kabilang ang kampanya laban sa ilegal na droga, pag-aresto sa mga wanted person, pagkahuli ng loose firearms, at pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa, na nakatulong sa patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa munisipalidad.
Nabatid na mula Mayo 21 hanggang Hunyo 21, 2026, pinaigting ng Peñaranda MPS ang kampanya nito laban sa mga wanted person, na nagresulta sa pag-aresto sa pitong pugante, kabilang ang tatlong Most Wanted Persons sa antas munisipal at probinsya, kabilang ang isang Top 1 Municipal at Top 5 Provincial Most Wanted Person dahil sa kasong sexual abuse.
Naaresto rin ng istasyon ang tatlong drug personalities at nakumpiska ang kabuuang 3 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P20,400.00 ang halaga.
Bilang bahagi ng pagsisikap nitong mapigilan ang paglaganap ng mga loose firearms at iba pang uri ng kriminalidad, matagumpay na nakapag-surrender sa Peñaranda MPS ng dalawang baril, kabilang ang isang caliber .38 revolver at isang caliber .22 magnum revolver.
Natanggap din ng istasyon ang boluntaryong isinuko na 16 reams at 9 na pakete ng pekeng produktong tabako na may kabuuang halagang P10,163.00, bilang pagsuporta sa kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na kalakalan at pag-iwas sa buwis.
Mahigpit ding ipinatupad ng Peñaranda MPS ang Municipal Ordinance No. 05, Series of 2021, at Provincial Ordinance No. 390, na nagresulta sa pagkumpiska ng 167 binagong muffler sa pamamagitan ng patuloy na checkpoint at mga operasyon ng Oplan Sita.
Kapansin-pansing walang naitala na index crime sa ilalim ng 8 Focus Crimes sa Peñaranda sa panahong sinuri, na sumasalamin sa bisa ng mga pagsisikap ng istasyon sa pagpapatupad ng batas at pag-iwas sa krimen.
(ELOISA SILVERIO)
66 