PUSPUSAN na ang pagtugis ng pulisya sa kawatan na nagnakaw ng bag ng isang 22-anyos na pilot student sa loob ng isang restaurant sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Parañaque City.
Batay sa ulat na inilabas Huwebes ng umaga ng tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, malinaw na nakunan ng CCTV ang mukha ng suspek na tumangay sa bag ng biktimang kinilalang si alyas “Mhicko.”
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente noong Lunes bandang alas-2:16 ng hapon habang kumakain ang biktima sa isang restaurant sa ikalawang palapag ng PITX, sa Kennedy Road 1, Brgy. Tambo. Nakalagay umano ang bag sa likod ng kanyang upuan nang ito ay tangayin ng suspek.
Kabilang sa mga ninakaw ang isang iPad, tig-isang unit ng iPhone 12 at iPhone 14, Student Pilot License, iba pang dokumentong may kaugnayan sa kanyang pag-aaral bilang piloto, mga personal na gamit, ATM card, at tinatayang ₱15,000 cash.
Ayon sa SPD, nagsasagawa na ng backtracking ang mga tauhan ng Parañaque Police gamit ang mga kuha ng CCTV upang matunton ang suspek at mabawi ang mga tinangay na gamit.
Nakakalusot umano ang kawatan sa kabila ng mahigpit na seguridad na ipinatutupad sa PITX ngayong Kapaskuhan, kung kailan inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero.
Nauna nang sinabi ni Jason Salvador, Corporate Affairs and Government Relations Director ng PITX, na pinalawak na ang assistance desks, pinaigting ang koordinasyon sa lokal at pambansang ahensya, at hinigpitan ang seguridad bilang paghahanda sa inaasahang mahigit tatlong milyong pasaherong dadaan sa terminal ngayong holiday season.
(CHAI JULIAN)
94 