PAGLOBO NG PONDO NG AYUDA AT UA PINALAGAN SA KAMARA

PINALAGAN sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang umano’y pinalobong pondo sa ayuda at Unprogrammed Appropriations (UA) sa Bicameral Conference Committee, sa kabila ng kawalan pa rin ng napapanagot na umano’y mastermind sa mahigit ₱1 trilyong korapsyon sa flood control projects.

Batay sa resulta ng bicameral deliberations, itinakda sa ₱63.9 bilyon ang pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program sa susunod na taon, matapos dagdagan ng ₱37 bilyon ng mga miyembro ng bicam committee.

Mariing kinondena ni Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte ang hakbang, iginiit na habang walang napaparusahan sa anomalya ay lalo pang pinalalaki ang discretionary funds.

“Habang wala pang nananagot, dinadagdagan pa ang discretionary funds, pinalalaki sa bicam, pinalulusot sa dilim, at ipinapasa sa publiko ang bayarin. Gaano ba kalaki ang sikmurang kayang lumunok ng ganitong kalaking pera—na walang malinaw na paliwanag, walang malinaw na pananagutan?” ani Duterte.

Ayon pa sa mambabatas, kung seryoso ang gobyerno sa laban kontra korapsyon, dapat umanong singilin ang mga tunay na salarin sa flood control anomalies at hindi ang paglikha ng mas malalaking pondong maaaring abusuhin.

“The Filipino people are not stupid. Kita na nila ang pattern. Nawala nga ang pondo sa flood control, nilipat naman sa AICS na ginagawang political weapon ng mga kaalyado ng Palasyo,” giit ni Duterte.

“Sa experience namin on the ground, sobra sa kalahati pa ang nawawala sa orihinal na ipinangakong matatanggap ng taumbayan. Enough… mahiya naman kayo,” dagdag pa niya.

Samantala, nagpahayag din ng pagkadismaya si Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima dahil sa halip na alisin ay dinagdagan pa umano sa bicam ang pondo ng Unprogrammed Appropriations para sa susunod na taon.

“Ang dami nang red flag dahil nagamit sa maanomalyang flood control projects, maituturing na ngang unconstitutional, aba’y tinaasan pa ng bicam ang budget ng Unprogrammed Appropriations. Anyare?” ani De Lima.

Hindi tinukoy ng mambabatas kung magkano ang idinagdag sa UA, subalit iginiit niyang hindi ito katanggap-tanggap, lalo’t ang Pangulo lamang ang may kontrol sa kung aling mga proyekto ang popondohan sa ilalim ng sistemang ito.

“Wala na ngang tiyak na ipangpo-pondo, limitado na nga ang pagkukunan ng panggastos, tinaasan pa ang UA. Parang lista sa tubig ‘yan, pero pinalalaki pa. Ang labo,” ani De Lima.

(BERNARD TAGUINOD)

53

Related posts

Leave a Comment