LOOSE FIREARMS AT PAMPASABOG, ISINUKO SA MILITAR

SULTAN KUDARAT – Iba’t ibang uri ng mga kagamitang pandigma ang boluntaryong isinuko ng mga residente sa tropa ng 7th Infantry (Tapat) Battalion, Philippine Army sa Barangay Kapaya, Bagumbayan, sa lalawigan noong Biyernes.

Ayon kay Lt. Col. Tristan Ray P. Vallescas, Commanding Officer ng 7IB, umabot sa labing-isang high-powered firearms, dalawampu’t pitong low-powered firearms, at sampung high explosive ordnance ang kusang-loob na isinuko ng mga residente sa kanilang himpilan.

“Ang boluntaryong pagsuko ng mga armas ay patunay ng tiwala ng mamamayan sa kasundaluhan at bahagi ng mas pinaigting nating suporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na armas sa ilalim ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program,” pahayag ni Lt. Col. Vallescas.

Kabilang sa isinukong mga kagamitang pandigma ang 12-gauge shotguns, 12-gauge pistols, M79 grenade launchers, Springfield caliber .30 rifle, 9mm submachine gun, mga granada, at iba pang uri ng armas at pampasabog.

Pinuri ni Brigadier General Michael A. Santos, Commander ng 603rd Infantry Brigade, ang hakbang ng mga residente at binigyang-diin ang kahalagahan nito sa pagsusulong ng kapayapaan at kaligtasan ng komunidad.

“Ang boluntaryong pagsuko ng mga armas ay malinaw na mensahe ng pagpili ng kapayapaan kaysa karahasan. Sa bawat armas na inaalis sa komunidad, mas maraming buhay ang naliligtas—lalo na ang mga inosenteng sibilyan,” ani Brig. Gen. Santos.

Samantala, pinasalamatan naman ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang inisyatiba ng 7IB at ang kooperasyon ng mamamayan.

“Ang hakbang na ito ng ating mga kababayan ay isang napakagandang regalo ngayong Pasko—regalo ng tiwala, pagkakaisa, at pag-asa sa mas mapayapa at ligtas na kinabukasan. Patuloy na makakaasa ang mamamayan sa ating dedikasyon na pangalagaan ang kapayapaan at kaayusan sa Central Mindanao,” pahayag ni Major General Cagara.

(JESSE RUIZ)

77

Related posts

Leave a Comment