U.S. MAGLALAAN NG $2.5-B SECURITY ASSISTANCE PARA SA PILIPINAS

PINAGTIBAY ng mga mambabatas sa United States ang batas na maglalaan ng $2.5 bilyon na security assistance sa Pilipinas.

Ang Philippines Enhanced Resilience Act (PERA Act), na inihain nina Senators Bill Hagerty at Tim Kaine, ay inaantabayanan na malagdaan ni Pangulong Donald Trump.

Sakaling tuluyan itong maging batas at mapagtibay, magbibigay ito ng hanggang $500 milyon kada taon mula 2026 hanggang 2030, bilang Foreign Military Financing (FMF) grant assistance, na aabot sa kabuuang $2.5 bilyon sa loob ng limang taon.

Pakay ng nasabing batas na mapalakas at modernisahin ang kakayahan ng depensa ng Pilipinas at patatagin ang ugnayan sa seguridad ng dalawang magka-alyadong bansa, lalo na sa harap ng mga hamon sa West Philippines Sea at Indo-Pacific.

Nakasaad sa binalangkas na batas, ang US Secretary of State, kasama ang Defense Secretary at iba pang opisyal, ay magsusumite ng taunang ulat sa Kongreso tungkol sa pagpapalakas ng depensa ng Pilipinas.

Saklaw nito ang modernisasyon sa coastal defense, long-range fires, integrated air defenses, maritime security, manned at unmanned aerial systems, ground mobility vehicles, intelligence, cybersecurity, at iba pang defense capabilities.

Ang batas ay bahagi ng mas malawak na National Defense Authorization Act (NDAA) ng U.S., na nagpapahintulot sa Pentagon na gumastos ng $900 bilyon.

(JESSE RUIZ)

53

Related posts

Leave a Comment