EX-SPEAKER ROMUALDEZ NAGSALITA NA, RELASYON NIYA KAY BBM NAGKALAMAT NA BA?

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

BINASAG na ni dating House Speaker Martin Romualdez ang pananahimik sa isyu ng korupsyon na nagsimula sa ilalim ng administrasyon ng kanyang pinsan na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. (BBM).

Nagsimulang maging Speaker si Romualdez sa Mababang Kapulungan ng Kongreso nang manalo si BBM noong 2022 elections.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno sa Kamara ay marami ang naging mga isyu tulad ng People’s Initiative (PI).

Layunin ng PI ang pagbabago sa mga probisyon ng 1987 Constitution, na inalmahan ng mga senador dahil gustong lusawin nito ang kapangyarihan ng Senado na bumoto nang hiwalay, sa pagbabago ng mga probisyon sa 1987 Constitution. Mas marami ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kaysa Senado kaya madedehado sila.

Nabuo rin ang impeachment complaint laban kay Vice President Inday Sara Duterte mula noong 2025 hanggang ngayong 2026, sa panahon ng pamumuno ni Romualdez sa Kamara.

Pumutok sa iba’t ibang media outlets at social media platforms ang hinggil sa anomalya sa pondo ng pamahalaan mula 2023, 2024 hanggang 2025, sa ilalim ni Romualdez sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Maraming nagsabi na ang 2025 National Budget ang pinaka korap sa kasaysayan ng Pilipinas dahil dito maraming nasilip na Unprogrammed Appropriations (AP), kung saan nagmula ang malakihang nakawan sa kaban ng bayan.

Kabilang sa mga idinadawit sa katiwalian ang pangalan ni dating Speaker Romualdez at iba pang mga mambabatas at umaabot umano sa halos 10% ng mga kongresista ay sangkot sa nasabing korupsyon.

Pumutok ang maanomalyang flood control projects dahil walang maipakitang proyekto si BBM sa mga Pilipino na kanyang ipinagmamalaki sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong 2024.

Sinabi ni BBM sa kanyang SONA, mayroong siyang 5,500 flood control projects sa iba’t ibang lugar, subalit nabisto itong wala dahil sa mga kalamidad sa tumama sa bansa.

Nagkaroon ng kaliwa’t kanang imbestigasyon sa Senado at sa Kamara, at lumutang na ang magpinsang sina BBM at Romualdez ang sinasabing tumanggap ng malaking pera.

Sina Philippine Marine Ret. Master Sgt. Orly Guteza, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at 18 dating mga sundalo ang mga nagsabi na naghatid sila ng male-maletang pera kina BBM at Romualdez.

Madalas namang sinasabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, na papaano magiging sangkot si BBM sa anomalya, samantalang siya ang nagsabi sa kanyang SONA noong 2025 na “Mahiya Naman Kayo!” patungkol sa nasabing anomalya.

Pagkatapos ng paglabas ng isyu na naaresto na si Zaldy Co sa Czech Republic ay biglang naglabas ng statement si Martin Romualdez na hindi siya ang mastermind sa korupsyon sa pondo ng bayan.

Sinabi niyang bilang dating Speaker ng Kamara ay isa lamang siya sa mga opisyal ng gobyerno, hindi aniya siya kasama sa “small committee” na nagbalangkas sa insertions ng budget ng pamahalaan na pinagmulan ng korupsyon.

Wala rin daw anomalya sa flood control projects sa kanyang distrito sa Tacloban na nababalot ngayon sa kontrobersiya.

Sa halip ay itinuro niyang sina dating Senate President Chiz Escudero at Zaldy Co ang nakaka-alam sa budget ng Kamara.

Sinisi rin ni Romualdez ang executive department na pinamumunuan ni PBBM, dahil dito aniya nagmumula ang budget ng gobyerno.

Dito na kaya magsisimula ang bangayan ng magpinsan (BBM at Romualdez) lalo na kapag nakauwi si Zaldy Co at sinimulan na ang imbestigasyon sa anomalya ng kaban ng bayan?

Abangan natin!

oOo

Pinasasalamatan pala natin ang lahat ng mga kapatid sa Iglesia Ni Cristo (INC), lalo sa mga kasama sa SCAN ng North Caloocan sa ginawang aktibidad sa Lokal ng Lawang Bato, Valenzuela City kahapon, April 27, 2026 kaugnay sa review ng amateur radio license ng National Telecommunications Commission (NTC).

Matagumpay ang nasabing aktibidad na dinaluhan ng mga miyembro ng communications group na SCAN.

At siyempre sinuportahan ito ng District Staff at INC Central dahil nagpadala sila ng mga kinatawan sa aktibidad ng SCAN.

Kudos, marami pong salamat sa inyong lahat!

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

83

Related posts

Leave a Comment