ARESTADO ang isang delivery rider na nanloob sa isang bahay makaraang balikan nito ang naiwang bisikleta sa Silang, Cavite noong Linggo ng madaling araw.
Hawak ngayon ng pulisya ang suspek na si alyas “BJ”, 28, isang delivery rider, ng Brgy. Inchican, Silang, Cavite.
Ayon sa salaysay ng biktimang si alyas “Ejinio”, natutulog silang mag-asawa nang pasukin ng suspek ang kanilang bahay sa Brgy. Ichican bandang ala-1:00 ng madaling araw sa pamamagitan ng pagtanggal ng chain lock sa kanilang pintuan.
Nang makapasok ang suspek, tinangay nito ang isang cellular phone at P700 cash. Ngunit nagising ang biktima at tinangka nitong habulin ang suspek subalit hindi niya naabutan pero pagbalik niya, napansin ang isang nakaparadang bisikleta.
Inisip ng biktima na baka pagmamay-ari ng suspek ang bisikleta kaya naghintay ng 30 minutos.
Binalikan naman ng suspek ang naiwang bisekleta na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto at nabawi ang tinangay na cellphone. (SIGFRED ADSUARA)
64 