PAGGASTA SA 2026 BUDGET DAPAT BANTAYAN – LACSON

IGINIIT ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na hindi dapat magtapos sa pag-apruba at paglagda bilang batas ang pagbabantay ng publiko sa panukalang budget kundi dapat magpatuloy hanggang sa mismong pagpapatupad nito.

Sinabi ni Lacson na bagama’t binantayan ng mga religious at civil society group ang mga pagtalakay sa bicameral conference committee sa pagbuo ng panukalang badyet, ang susunod na hamon ay tiyakin kung paano gagastusin ng ehekutibo ang pera ng taumbayan sa 2026.

Idinagdag ng senador na bagama’t karamihan sa kanyang mga kasamahan sa Senado ay kapareho niya ng pananaw na para sa reporma, 24 lamang ang mga senador.

Dahil dito, iginiit niyang kailangan nila ang suporta ng publiko sa pagtukoy at pagbubunyag ng mga katiwalian sa pagpapatupad ng 2026 budget.

Samantala, kumpiyansa ang mga miyembro ng bicameral conference committee sa binalangkas na 2026 proposed budget na walang ibe-veto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panukalang P6.793 trillion national budget.

Sinabi ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na sa estado ng inaprubahan nilang panukala ay tiwala silang sasang-ayunan ito ng Malakanyang.

Noong Linggo, nilagdaan na ng mga senador at kongresistang miyembro ng bicam ang kanilang report kaugnay sa proposed national budget at nitong Lunes ay inaasahang raratipikahan ito sa magkabilang kapulungan bago isumite sa Malakanyang.

Inilarawan ni Gatchalian ang kanilang inaprubahang budget bill bilang people-centered budget na tututukan ang human development sa pagsasabing malaking bahagi ng pondo ay mapupunta sa edukasyon, kalusugan at agrikultura.

Binigyang-diin din ng senador na sa proseso ng pagtalakay sa budget, tiniyak nila ang transparency at accountability.

(DANG SAMSON-GARCIA)

107

Related posts

Leave a Comment