KALAGAYAN sa buhay ang nag-udyok sa isang 17-anyos na menor de-edad na ina na ipasok ang kanyang sanggol na anak sa illegal online adoption.
Noong Enero 6 ay matagumpay na nasagip ng Philippine National Police Women and Children Protection Center – Luzon Field Unit, katuwang ang Department ang Social Services Development Department-Quezon City, ang isang sanggol na ilegal na ibinenta sa pamamagitan ng online adoption.
Ayon sa ulat ng Women and Children Protection Center, ibinenta ng ina ang kanyang 1-buwan gulang na sanggol sa halagang P55,000.00.
Kaagad namang naaresto ng mga awtoridad ang suspek na lumabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012, at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Nasa pangangalaga ngayon ang 17-anyos na ina ng protective custody ng Social Services Development Department bilang “child in conflict with the law”.
Habang ang sanggol ay na-turn over na sa SSDD–Quezon City at doon inaalagaan.
Hinikayat naman ng WCPC ang publiko na i-report sa kanilang official Facebook page ang mga insidente ng child abuse at trafficking, maging ang online sexual exploitation para maaksyunan.
(TOTO NABAJA)
49 