SABAY-SABAY na inilunsad ang 911 Unified Emergency Hotline sa buong lalawigan ng Laguna noong Lunes, saklaw ang anim na lungsod at dalawampu’t apat na munisipalidad.
Isa sa pangunahing launching sites ang Santa Cruz Public Market sa bayan ng Santa Cruz.
Pinangunahan ang aktibidad ni PCol. Jonar R. Yupio, Acting Provincial Director ng Laguna PPO, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan, sa pamumuno ni Gobernador Sol C. Aragones.
Ang 911 Unified Emergency Hotline ay programang pinalakas ng DILG na nagsisilbing isang libre at 24-oras na emergency number para sa police, fire, at medical emergencies.
Ayon kay Gobernador Aragones, makatutulong ang programa sa pagpapalakas ng police visibility, lalo na sa mga pampublikong lugar, upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan.
Samantala, tiniyak ni PCol. Yupio ang patuloy na suporta ng Laguna PPO sa mabilis na pagtugon sa emerhensiya at hinikayat ang publiko na gamitin nang responsable ang 911 hotline.
(NILOU DEL CARMEN)
84
