PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
NAKAPAGTALA ang Lungsod ng Maynila ng 40 porsiyentong pagtaas sa pagproseso ng mga bagong business permit, kasabay ng mataas na bilang ng permit renewals – patunay ng matibay na sigla ng lokal na negosyo, ayon kay Bureau of Permits Director Levi Facundo sa ulat niya kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Lunes.
Hanggang Enero 25, 2026, umabot sa 384 bagong business permits ang naproseso ng lungsod – malaking pag-angat mula sa 176 sa kaparehong panahon (Enero 1–25) noong nakaraang taon. Sa bilang na ito, 159 na bagong permit ang bayad na, kapantay na ng bilang ng bayad na permit noong 2025 kahit mas mataas ang dami ng aplikasyon ngayong taon.
Samantala, umabot naman sa 45,261 business permit renewals ang naproseso, kung saan 37,484 ang bayad na – katumbas ng humigit-kumulang 82 hanggang 83 porsiyentong compliance sa maagang yugto ng taunang renewal period.
“Mga 82 percent ‘yan,” pahayag ni Mayor Domagoso sa briefing, na sinagot ni Facundo ng, “Yes, actually almost 83 percent po, Mayor.”
Ayon kay Facundo, may humigit-kumulang 15 araw pa ang mga negosyante upang makumpleto ang kanilang bayarin at iginiit na ang datos ay batay sa “apples-to-apples” na paghahambing sa nakaraang taon. Nang tanungin ni Domagoso kung pareho ang saklaw ng petsa at oras ng datos, mariing sagot ni Facundo, “Correct… same date, same time, with different setting.”
Bilang paghahambing, nakapagtala ang lungsod ng 44,993 renewals mula Enero 1–25, 2025, kung saan 37,891 ang bayad—na nagpapakita na mas mataas ang renewal processing ngayong taon habang nagpapatuloy pa ang koleksyon hanggang sa deadline.
Binigyang-diin ni Mayor Domagoso ang pagtaas ng bagong negosyo, at tinanong, “In the same period, you grew by 40% with new business permits?” na agad namang kinumpirma ni Facundo: “As of this time, yes. With 384 processed compared to 176 last year same period.”
Dagdag pa ni Facundo, may inaasahang dagdag pang koleksyon, dahil may ilang bayaring hindi pa nalilinaw. “Meron pang mga hindi pa po na-clear na mga payment. So there’s more,” aniya.
Upang mabigyan ng mas mahabang panahon ang mga negosyante, pinalawig ng lungsod ang business permit renewal period hanggang Pebrero 13, 2026, nang walang interes, multa, o surcharge, ayon kay City Treasurer Atty. Paul Vega.
“Pinalawig ng Lungsod ang renewal period—nang walang interes, penalties, o surcharges – hanggang Pebrero 13, 2026, upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga negosyante na makapag-renew ng kanilang permit,” pahayag ni Vega.
Ayon kay Mayor Domagoso, ang mga bilang na ito ay patunay ng tiwala ng publiko sa mga sistema at reporma ng City Hall.
***
Bumaba ng 13.08 porsiyento ang kabuuang bilang ng mga krimen sa Lungsod ng Maynila sa ikaapat na kwarter ng 2025, kung saan kapwa nagtala ng pagbaba ang index at non-index crimes, batay sa datos na iniulat ng Manila Police District (MPD) kay Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, sa unang Command Conference ng distrito para sa taong 2026.
Ayon sa Peace and Order data na inilahad ni MPD chief Police Brigadier General Arnold Abad, bumaba ang kabuuang insidente ng krimen mula 2,110 kaso sa ikatlong kwarter tungo sa 1,834 kaso sa ikaapat na kwarter ng 2025, o katumbas ng 276 na mas kaunting kaso.
Ipinakita rin sa ulat na bumaba ang index crimes mula 291 tungo sa 239 kaso, habang ang non-index crimes naman ay bumaba mula 1,819 tungo sa 1,595 kaso sa parehong panahon.
Ayon kay Mayor Domagoso, resulta ang pagbaba ng krimen ng tuluy-tuloy na pagpapatupad ng batas at ng malinaw na polisiya ng lungsod na papanagutin ang sinomang lalabag sa batas
“Bilang garantiya sa mamamayan ng Maynila, gusto nating pigilan ang lahat ng kriminal. May awa ang Diyos, gabayan nawa tayo. Pero kung sakaling makaligtas o makatakas sila sa krimen na kanilang ginawa, sisiguraduhin natin na mananagot sila sa batas upang magkaroon ng katiyakan ang mamamayan ng Lungsod ng Maynila,” pahayag ng alkalde.
Dagdag pa ni Isko, hindi sulit para sa mga kriminal ang gumawa ng krimen sa lungsod.
“Sa mga kriminal, ngayon alam ninyo – hindi sulit gumawa ng krimen laban sa ari-arian at sa tao sa Lungsod ng Maynila habang narito kami,” ani Domagoso.
Binigyang-diin din ni Isko na pangunahing layunin ng pagpapatupad ng batas ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng krimen
“Hahabulin natin sila kahit saan sila magtago at kahit gaano pa katagal. Ang mahalaga, mabigyan ng hustisya ang biktima,” aniya.
Pinuri rin ni Domagoso ang disiplina ng mga pulis sa mga operasyon, lalo na ang pagpipigil at pagsunod sa tamang proseso ng batas
“Ang gusto ko ‘yung restraint – walang gigil, naka-focus lang sa trabaho. Hangga’t maaari, kukunin natin sila nang buhay at dadalhin sa husgado, at hayaan nating ang korte ang magpasya kung sila ay may sala o wala,” ayon kay Moreno.
Binanggit din ni Isko na napapansin ng publiko ang presensya ng mga pulis sa lansangan, lalo na tuwing madaling araw.
“Napapansin ng taong bayan na kahit madaling araw, ang mga pulis natin na nasa kalsada – naka-uniporme at ginagampanan ang kanilang tungkulin sa komunidad, sa organisasyon, sa bansa, at sa Lungsod ng Maynila,” sabi ni Domagoso.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga pulis sa panganib ng kanilang propesyon.
“Sabi nga ng mga beteranong pulis noon, paglabas mo pa lang ng bahay, kalahati ng paa mo nasa hukay na. Ganun kadelikado ang trabaho ng pulis,” aniya.
Sa huli, pinasalamatan ni Mayor Domagoso si P/BGen. Abad at ang buong MPD sa kanilang mahusay na pagganap.
“Masaya ako at ipinagmamalaki ko kayong lahat,” ani ng alkalde, kasabay ng panawagang ipagpatuloy at palakasin pa ang mga tagumpay sa pagbawas ng krimen habang papasok ang Maynila sa taong 2026.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
4
