MULA 2017 hanggang 2026, nakuha ng construction company na nakarehistro sa pangalan ng pamilya ng professional volleyball player na si Bea de Leon ang proyektong nagkakahalaga ng P2.2 bilyon sa Antipolo City 1st District sa panahon ng panunungkulan ng tatlong miyembro ng pamilya Puno sa House of Representatives.
Sa kasalukuyan, kinakatawan ni Deputy Speaker Ronnie Puno ang Distrito, na dati namang kinatawan ni Roberto Puno mula 2019 hanggang 2025 at ni Cristina Roa-Puno mula 2016 hanggang 2019.
Batay sa datos mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Transparency Portal, ang Bell Construction — na nakarehistro sa pangalan ni Elmer De Leon, ama ni Bea — ay nakakuha ng kabuuang 57 infrastructure projects sa Antipolo City 1st District mula 2016 hanggang 2026, na may kabuuang halagang P2,212,791,932.21.
Sa mga ito, 34 na proyekto ang natapos na habang 23 ang hindi pa tapos o kasalukuyang isinasagawa. Ang mga proyekto ay ipinatupad ng Rizal 1st District Engineering Office, kung saan kabilang ang roadworks, flood control at drainage systems, at pagtatayo ng mga pampublikong gusali at pasilidad.
Ilan sa malalaking flood control projects — na karamihan ay lampas P60 milyon bawat isa — ay patuloy pang isinasagawa, na ang antas ng pagkakumpleto ay naglalaro mula sa 50 porsyento hanggang higit 90 porsyento.
Nabanggit din ang Bell Construction sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 2025 matapos akusahan ng contractor na si Curlee Discaya ang kumpanya na umano’y nagsilbing daluyan ng pondo para kay Marikina 1st District Rep. Marcy Teodoro na mariing itinanggi ng mambabatas.
Nauna nang naiulat na ang tatlong kumpanyang pag-aari ng pamilya De Leon — Bell Construction, Streamline Builders, at LTDL Builders — ay sama-samang humawak ng 364 proyektong pang-imprastruktura sa Calabarzon na nagkakahalaga ng P5.7 bilyon mula 2016 hanggang 2025, kung saan 361 dito ay matatagpuan sa Antipolo City.
Ayon sa mga ulat, ang LTDL Builders at Streamline Builders Corporation ay nakarehistro sa ilalim nina Lowell De Leon at Rodolfo De Leon, ayon sa pagkakasunod. Nakakuha ang Streamline Builders ng 143 kontrata na nagkakahalaga ng P1.4 bilyon. Samantala, mula 2016 hanggang 2025, nanalo ang LTDL Builders ng 156 kontrata na may kabuuang halagang P1.8 bilyon. (EG)
9
