PATULOY pa ring kinukwestyon sa Kongreso kung paano ginagamit ng Bureau of Customs ang kanilang intelligence fund sa gitna ng malawakang pagpupuslit ng sigarilyo sa bansa.
Ito ay makaraang kumpirmahin ng BOC ang pagkakaroon nila ng Intelligence fund subalit hindi naman naipaliliwanag kung paano ito ginagamit.
Lumutang ang usapin hinggil sa intel fund ng BOC matapos lumitaw sa pag-aaral ng tobacco company na JTI Philippines, na walo sa bawat sampung sigarilyo na ibinebenta sa Mindanao ay smuggled cigarettes.
Tanging ang BOC lamang umano ang hindi nakakaalam na sa parteng Mindanao ay lantarang ibinebenta ang mga puslit na sigarilyo sa mga tindahan.
Magugunitang kinuwestiyon ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, kung paano ginagamit ng Bureau of Customs ang intelligence funds nito sa gitna ng lumalalang ilegal na kalakalan ng sigarilyo.
Mas marami pa umanong huli ang Philippine National Police-Highway Patrol Group, maging ang ibang security agencies ng gobyerno gaya ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard kaysa BOC na inatasan ni Pangulong Bongbong Marcos na sugpuin ang smuggling sa bansa partikular ang agricultural products kasama ang sigarilyo at tabako, illegal drugs at iba pa.
Nabatid na nakibahagi si Chua sa imbestigasyon ng House Committee on Ways and Means kaugnay ng bilyong pisong smuggling ng sigarilyo sa bansa. Aniya, kahit may intel funds ang BOC, patuloy pa rin ang pagpasok ng kontrabando.
Si Rosales ang humarap sa imbestigasyon dahil hindi nakadalo si BOC Commissioner Ariel Nepomuceno dahil sa ibang commitment.
“In fact, sabi nga po ni Congressman Zia [Alonto Adiong], sa sari-sari store ganun na po katindi, over the counter nabibili na po ‘yung ganito and yet hindi po natin alam,” dagdag ni Chua.
Nang tanungin tungkol sa intel funds, sinabi ni Rosales na aalamin pa niya ito dahil ngayon pa lamang niya ito hahawakan ngayong taon.
Pinuna rin ng mga mambabatas, ang kakulangan sa paghahanda ng BOC sa pagdinig. Bukod sa hindi pagdalo ni Nepomuceno, wala ring inihandang presentasyon ang ahensya.
Bukod sa isyu ng intelligence fund, nakatakda rin umanong iimbestigahan pa ng komite ang posibleng pagkakasangkot ng ilang opisyal ng BOC sa smuggling ng sigarilyo.
Kaugnay ito ng mga reklamo laban kina dating BOC-CIIS director Thomas Narcise at dating CIIS Field Station Chief-Port of Manila Paul Oliver Pacunayen.
Sinasabing may nakarating na ring impormasyon sa Malacañang na may malaking agricultural smuggler na nag-ooperate sa iba’t ibang pantalan, kabilang ang Port of Subic, Manila International Container Port, Port of Manila, Port of Batangas, at Port of Cebu.
Sa ipinadala umanong liham sa tanggapan ng Pangulo, ang Port of Manila ang umano’y naging sentro ng pagpasok ng regulated, prohibited, o undeclared goods tulad ng agricultural products, counterfeit items, illicit cigarettes, motor vehicles, vape products, at iba pang regulated commodities.
(JESSE RUIZ)
7
