CHINA WARSHIP BUMUNTOT SA PH-US-JAPAN DRILLS SA WPS

KINUMPIRMA ng Armed Forces of the Philippines na may namataang warship ng China na bumubuntot sa isinagawang Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) ng Pilipinas, United States at Japan sa West Philippine Sea.

Ayon kay AFP Public Information Office chief Col. Xerxes Trinidad, minonitor nila ang presensya ng PLA Navy vessel na may bow number 174 sa paligid ng exercise area.

Isinagawa ang apat na araw na joint drills mula Pebrero 23 hanggang 26 at ito ang unang pagkakataon na umabot sa katubigan ng hilagang Batanes ang MMCA.

Sinabi ng AFP na hindi naman umano nang-interfere ang Chinese vessel at natapos ang aktibidad nang ligtas at maayos.

Lumahok sa maritime activities ang BRP Antonio Luna, BRP Gabriela Silang ng Philippine Coast Guard at USS Dewey ng US Navy, habang sumama rin ang air assets ng tatlong bansa sa friendly flight malapit sa Bashi Channel.

Ayon kay BRP Antonio Luna commanding officer Capt. Jennifer Monforte, hindi normal ang presensya ng PLA Navy ship sa Batanes.

Iginiit naman niya na hindi provocation ang pag-abot ng ehersisyo sa nasabing lugar dahil nasa loob ito ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Matatandaang nagwagi ang Pilipinas sa arbitration case laban sa malawak na claim ng China sa tribunal sa The Hague noong 2016, ngunit patuloy itong hindi kinikilala ng Beijing.

(JESSE RUIZ)

4

Related posts

Leave a Comment