AABOT sa 18,000 estudyante sa Bulacan ang regular na tumatanggap ng educational assistance sa ilalim ng “Tulong Pang-Edukasyon para sa Bulakenyo” scholarship program ng Pamahalaang Panlalawigan.
Pinangunahan ni Gov. Daniel Fernando kasama si Vice Gov. Alexis Castro ang Scholarship Grant Payment para sa 1,900 benepisyaryo sa ginanap na general assembly sa Bulacan Capitol Gymnasium.
Muling humarap sa publiko si Fernando, at pinasinungalingan ang kumalat sa social media na umano’y nagtatago siya dahil sa insidente ng pananakit kaugnay ng sinasabing road rage.
Ang tulong ay P3,000 para sa mga naka-enroll sa state universities at public senior high schools at P3,500 para sa mga nag-aaral sa pribadong institusyon. Direktang idinadagdag ang halaga sa Landbank ATM cards ng mga benepisyaryo.
Bukod sa ayuda, binigyan din ang mga estudyante ng sariling Landbank Piso accounts at sumailalim sa orientation sa financial literacy, gender sensitivity, stress management at mental health awareness.
Binigyang-diin ni Fernando na prayoridad ng lalawigan ang edukasyon at patuloy ang suporta sa kabataang Bulakenyo.
(ELOISA SILVERIO)
5
