AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
KUNG magpapatuloy ang gulo sa pagitan ng US-Israel laban sa Iran, tinatayang mahigit sa dalawang milyong Overseas Filipino Workers (OFWs) ang maaapektuhan.
Nitong nakaraan ay nagsanib ang Estados Unidos at Israel para bombahin ang Iran, nasa 500 iba’t ibang lugar sa Iran ang pinuntirya ng magkakamping bansa, kabilang na ang Tehran kung saan tinamaan ang kinaroroonan ng Supreme Leader na si Ayatollah Ali Khamenei na ikinasawi nito.
Bukod kay Khamenei, nasawi rin ang maraming iba pang mga opisyal ng Iran sa isinagawang airstrike ng pinagsanib na pwersa ng Israel at United States.
Bagama’t marami ang natuwa na mga Iranian sa sinapit ng itinuturing nilang diktador, mayroon ding nagluluksa sa mga taga-suporta ni Khamenei.
Bago pa man ang pag-atake ng US-Israel sa Iran na ikinasawi ni Khamenei, nasa ilalim na ng kaliwa’t kanang kilos-protesta ang bansa.
Imbes na asikasuhin ni Khamenei ang kabuhayan ng mamamayan ng Iran ay mas binigyan ng pansin nito ang pagpapalakas ng kanilang mga armas para sa kanilang militar.
Nakipag-alyansa rin si Khamenei sa mga teroristang grupo tulad ng Hamas ng Gaza at Hezbollah ng Lebanon, para burahin sa mapa ang Israel.
Ilang taon na ang nakalilipas nang pasukin ng grupong Hamas habang nagkakaroon ng festival, ang bansang Israel na ikinasawi ng maraming mamamayan nito at iba pang mga lahi.
Bukod sa agarang pagkamatay ng mga Israelite, may mga kababayan nila ang binihag ng Hamas at dinala sa Gaza.
Dito na nagsagawa ng pagsalakay ang Israeli Defense Forces (IDF) sa Gaza para bawiin ang kanilang mamamayan.
Simula noon hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang operasyon ng Israel laban sa mga bansang nagtatangkang lipulin ang kanilang lahi.
Nitong nakaraan ay nagkasundo ang Israel at Estados Unidos na magsagawa ng airstrike sa Iran para pigilan ang patuloy na pagkasawi ng mamamayan nito na nagsasagawa ng kilos-protesta laban sa pamunuan ni Khamenei.
Dahil sa airstrike na ito ng Israel at Amerika, ay gumanti ang Iran sa pamamagitan ng pagbomba sa mga bansang kaalyado ng Amerika tulad ng Qatar, Kuwait at United Arab Emirates kung saan maraming OFWs ang nagtatrabaho.
Nangangamba ang ilang OFWs sa mga bansang ito para sa kanilang kaligtasan dahil baka lumalala pa ang kasalukuyang sigalot sa Gitnang Silangan.
Kung magpapatuloy ang kaguluhan sa Middle East, maraming mga kababayan natin ang uuwing luhaan dahil wala silang madadatnan na mga trabaho pagdating nila rito sa sariling bansa.
Hindi lingid sa ating kaalaman, ang Pilipinas ay nababalot sa kahirapan dahil sa nangyayaring korupsyon sa pamahalaan na hanggang ngayon ay tila pili lang ang napapanagot.
Kaya marami sa OFWs ang nag-iisip kung uuwi ba sila o titiisin na lang ang panganib kung saan man sila naroroon ngayon sa mga bansa sa Middle East na nakararanas ng pambobomba.
oOo
Binabati natin ang masisipag na mga pulis ng Valenzuela City na sina PCPT. Robin Santos, PCPT. Joan Dorado, PLT. Crisologo Laggui, Jr., PLT. Alexander Manalo, PSMS Regor Germedia, PMSg. Allan Kaicer Inigo, PSSg. Nicolas Gutierez at Pat. Ria Gwen Gatmatian na dahil sa pagtupad sa kanilang tungkulin ay nakatanggap sila ng CERTIFICATE OF COMMENDATION mula kay PCol. Joseph Talento, hepe ng Valenzuela City Police. Mabuhay po kayo, mga sir at ma’am!
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
1
