HALOS kalahating bilyong pisong halaga ng smuggled cigarette ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Navy-Western Mindanao Naval Command sa inilunsad na dalawang Maritime Operations.
Ayon sa ulat na ibinahagi ng punong himpilan ng Hukbong Dagat ng Pilipinas, matagumpay na nasabat ng WMNC, sa pamamagitan ng kanilang Naval Task Force 61, ang smuggled foreign cigarettes na may kabuuang Final Estimated Market Value (FEMV) na P466,515,728.29 sa dalawang magkahiwalay na maritime interdiction operations sa loob ng kanilang Area of Operations.
Unang nasabat ng mga pwersang pandagat ang M/V Sun Voyage sa karagatan malapit sa Kalamansig Port, Sultan Kudarat. Sa isinagawang boarding at inspection, natuklasan ang libo-libong master cases ng iba’t ibang foreign-branded cigarettes na nakatago sa loob ng barko.
Nabigong magpakita ng kaukulang importation permits at cargo documentation ang kapitan ng barko.
Nitong Lunes, Marso 2, 2026, pormal nang isinuko sa Bureau of Customs – Port of Zamboanga (BOC-POZ) ang mga nakumpiskang kargamento at tripulante ng M/V Sun Voyage para sa tamang disposisyon at legal na proseso.
Batay sa updated computation, kabilang ang duties, taxes, at iba pang assessments, ay umaabot sa P439,865,028.29 ang FEMV ng nakumpiskang kontrabando.
Sa sumunod na operation ay nasabat naman ng mga tauhan ng Navy ang M/B Sky Blue sa timog-silangan ng Sibago Island, Basilan. Sa inspeksyon, natuklasan ang daan-daang master cases ng undocumented foreign-brand cigarettes.
Nabigong magpakita ng wastong dokumento ang kapitan at tripulante para sa bangka at kargamento. Ang bangka at nakumpiskang items ay kasalukuyang nasa ilalim ng legal na proseso kasama ang kaukulang awtoridad. Ang nasamsam sa M/B Sky Blue ay may FEMV na P26,650,700.00.
Naniniwala si Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Jose Ma Ambrosio Q. Ezpeleta, ang matagumpay na operasyong ito ay nagdulot ng malaking dagok sa smuggling syndicates na nag-ooperate sa Western Mindanao.
Ang ganitong ilegal na gawain ay nakasisira sa revenue collection ng pamahalaan, nakaaapekto sa lehitimong kalakalan, at nagbabanta sa pambansang seguridad pang-ekonomiya, ayon pa sa Navy FOIC.
(JESSE RUIZ)
4
