NAPANATILI ng Bureau of Customs (BOC) ang matatag na momentum sa kita sa unang bahagi ng 2026, matapos lumampas sa target ng koleksyon para sa Pebrero ng mahigit P1.2 bilyon.
Ito ang ikalawang sunod na buwan ngayong taon na nakapagtala ang Bureau ng higit sa inaasahang performance.
Batay sa paunang datos, nakapagtala ang BOC ng P73.798 bilyon na koleksyon noong Pebrero, lumampas sa target na P72.592 bilyon ng humigit-kumulang P1.206 bilyon, o tinatayang 1.7 porsyento. Ito ay mas mataas kumpara sa koleksyon noong Pebrero 2025 na P71.765 bilyon, na nagpapakita ng year-on-year increase na 2.8 porsyento, o P2.033 bilyon.
Mula Enero hanggang Pebrero 2026, nakapagtala ang BOC ng kabuuang koleksyon na P154.747 bilyon, katumbas ng 2.5 porsyentong pagtaas, o P3.729 bilyon, kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon. Ang tuloy-tuloy na paglago ay nagpapakita ng matatag na kita sa simula ng fiscal year.
Ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang fiscal discipline at paigtingin ang revenue collection para sa mga pambansang prayoridad, at sa pamumuno ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, sa pagpapatibay ng enforcement at compliance sa bureau.
Binigyang-diin ni Commissioner Nepomuceno ang pangako ng bureau na ipagpatuloy at palawakin pa ang momentum na ito, habang kinikilala ang sama-samang pagsisikap at kontribusyon ng mga kawani ng BOC sa likod ng tagumpay.
Aniya, “Ang buong Bureau ay nakapaghatid ng higit pa sa inaasahang financial target para sa Pebrero. Taliwas ito sa inaasahan na tuwing Chinese New Year ay bumababa ang koleksyon natin. Ngunit napatunayan natin, sa pamamagitan ng pagsisikap ng lahat, lalo na ng ating port collectors, na posible ito—sa tamang assessment, mas mahigpit na pagpapatupad ng enforcement rules, at sa masusing pangangasiwa ng ating deputy commissioners na patuloy na nagtutulak sa lahat na mangolekta nang tama.
(JESSE RUIZ)
4
