LIMANG itinuturing na priority drug personalities ang nadakip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sa inilunsad na anti-narcotics operation sa Surigao City.
Sa isinumiteng ulat sa tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez mula sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 13 (PDEA RO 13), nadakip ang limang drug suspect sa ikinasang buy-bust operation na nagresulta sa pagsamsam sa P420,000 halaga ng hinihinalang shabu.
Ayon kay PDEA RO 13 Director Laurefel Lawin Gabales, naglunsad ng joint anti-illegal drug operation sa pangunguna ng Surigao del Norte Provincial Office (SDNPO) na nagresulta sa pagkakaaresto ng limang priority drug personalities at pagsamsam ng ilegal na droga na tinatayang may street value na P420,000 noong Lunes ng hapon.
Ang operasyon ay isinagawa dakong alas-4:05 ng hapon noong Marso 2, 2026 sa Purok 5, Barangay Poctoy, Surigao City, sa koordinasyon ng PDEA RO 13 Surigao del Norte Provincial Office, Provincial Intelligence Unit, Surigao City Police Station Drug Enforcement Unit, at PDEA RO 13–LPU,
Bukod sa ilegal na droga, nakumpiska rin sa operasyon ang buy-bust money, ilang mobile phones, dalawang motorsiklo kabilang ang isa na may sidecar, at identification cards
Mahaharap ang mga naaresto sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(JESSE RUIZ)
3
