P1.8-B SIGARILYO, P760-M DROGA NASAMSAM NG BOC

UMABOT sa P1.8 bilyong halaga ng ilegal na sigarilyo at P760 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng Bureau of Customs sa kanilang pinaigting na pambansang kampanya laban sa smuggling, ayon sa inilabas na ulat ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno.

Nabatid na nakatutok ngayon ang anti-smuggling operation ng BOC sa ilegal na sigarilyo at ipinagbabawal na droga.

Nagresulta ito sa pagkakasamsam ng P1.8 bilyong halaga ng smuggled cigarettes at mga materyales sa paggawa ng sigarilyo, at P760 milyong halaga ng mapanganib na droga kasunod ng ikinasa nilang serye ng anti-smuggling operation hanggang nitong Marso 2, 2026.

Sa kanyang talumpati sa unang flag raising ceremony para sa buwan ng Marso, sinabi ni Commissioner Nepomuceno na pinalakas ng Bureau of Customs (BOC) ang intelligence-led at inter-agency coordinated enforcement operations alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patatagin ang seguridad sa hangganan at labanan ang ilegal na kalakalan, na nagbunga ng daan-daang matagumpay na operasyon sa iba’t ibang pantalan sa bansa.

Iniulat niya na noong 2025 lamang, nagsagawa ang BOC ng 1,024 interdiction operations, kabilang ang 143 drug seizures na nagkakahalaga ng P5.630 bilyon at 317 cigarette-related seizures na umabot sa P1.8 bilyon, na nagpapakita ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng bureau na sugpuin ang smuggling at protektahan ang lehitimong kalakalan.

Iniuugnay ni Commissioner Nepomuceno ang mga resulta sa mas matibay na inter-agency cooperation at masiglang data-sharing, binanggit ang malapit na pakikipagtulungan ng BOC sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang katuwang na ahensya.

“Napakalakas ng aming personal na ugnayan sa iba pang mga pinuno ng ahensya, at ito ang pangunahing dahilan kung bakit mataas at epektibo ang tiwala sa inter-agency,” ani Nepomuceno.

(JESSE RUIZ)

3

Related posts

Leave a Comment