PORMAL na inilunsad ng Philippine National Police Regional Office 4A ang pagdiriwang ng National Women’s Month sa Camp Vicente Lim sa ilalim ng temang “We for Gender Equality and Inclusive Society.”
Sa kickoff ceremony, binigyang-diin ang mahalagang papel ng kababaihan sa hanay ng kapulisan at sa lipunan, lalo na ang ambag ng mga babaeng pulis sa pagpapatupad ng batas at serbisyong publiko sa buong CALABARZON.
Sa kanyang talumpati bilang panauhing pandangal, iginiit ni Laguna Governor Sol Aragones na ang tagumpay ng kababaihan ay nakasalalay sa pagtutulungan ng babae at lalaki.
Aniya, hindi dapat manaig ang diskriminasyon sa pamumuno at serbisyo publiko at dapat isulong ang inklusibong pamahalaan na kumikilala sa iba’t ibang sektor kabilang ang LGBTQ+ community.
Samantala, sinabi ni PRO-4A regional director Paul Kenneth Lucas na patuloy nilang palalakasin ang mga programa sa women empowerment at gender sensitivity sa loob ng organisasyon.
(NILOU DEL CARMEN)
98 