MANIBELA HIHIRIT NG P2 FARE HIKE

PLANONG humirit ng hanggang P2 provisional fare increase ang transport group na Manibela para sa public utility vehicles (PUVs) dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay Mar Valbuena, chairperson ng grupo, napipilitan silang gawin ang hakbang matapos umabot sa P400 hanggang P500 ang nababawas sa arawang kita ng mga tsuper.

Ipinaliwanag ni Valbuena na dulot ito ng pagtaas ng presyo ng petrolyo ng P25 hanggang P30 kada litro sa mga nakalipas na linggo, na iniuugnay sa patuloy na tensyon sa Middle East.

Dagdag pa niya, inaasahan pa umano ang panibagong hanggang P15 dagdag sa presyo ng langis sa susunod na linggo.

Dahil dito, sinabi ng grupo na huling opsyon na lamang ang paghingi ng dagdag-pasahe, lalo na kung hindi mababawasan ang buwis sa langis.

Iginiit din ng MANIBELA na hindi sapat ang P5,000 fuel subsidy ng pamahalaan upang masalo ang pagkalugi ng mga tsuper.

Bilang pansamantalang solusyon, ilang tsuper ang nagpapatupad ng alternate driving schedules upang maiwasan ang agawan sa pasahero, partikular kapag off-peak hours.

Kasabay nito, nanawagan ang grupo sa pamahalaan na suspindihin o bawasan ang excise tax at value-added tax (VAT) sa langis upang hindi na madagdagan ang pasanin ng mga tsuper at komyuter.

(JESSE RUIZ)

46

Related posts

Leave a Comment