MALUGOD na tinanggap ng mga transport community group ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na itaas ang base fares para sa transport network vehicle service (TNVS), na anila’y malaking tulong sa mga driver at operator na hirap sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang gastusin.
Ayon sa TNVS sector, hindi na-update ang fare structure mula pa noong 2019 kahit sunud-sunod ang oil price hikes, bago pa man ang tensyon sa Middle East. Kaya naman ang fare adjustment ay itinuturing nilang pagkilala ng gobyerno sa bigat ng sitwasyong kinakaharap ng mga nasa industriya.
Sinabi ni Walter Lugay, tagapagsalita ng TNVS Community Philippines, na nagpapasalamat sila sa LTFRB at sa Department of Transportation (DOTr) sa pakikinig sa matagal na nilang panawagan. Aniya, ang naging desisyon ng LTFRB at DOTr ay isang tugon sa hirap na dinaranas ng mga driver sa pabagu-bagong ekonomiya.
Pinuri rin ni Lugay ang Grab sa pagtulong na maiparating ang hinaing ng mga driver sa pamamagitan ng mga dayalogo sa mga regulator. Dagdag pa niya, hindi lang simpleng taas-pasahe ang desisyong ito kundi isang “lifeline” para hindi tuluyang umalis sa TNVS sector ang maraming driver dahil sa hindi na kayang gastos sa operasyon.
Sa ilalim ng bagong fare adjustment, tataas ng P20 ang base fare at P15 naman ang dagdag sa pick-up rate kada kilometro. Dahil dito, magiging P65 na mula P45 ang base fare ng sedan, P75 mula P55 para sa Asian Utility Vehicle, P55 mula P35 para sa hatchback, at P165 mula P145 para sa premium TNVS. Nilinaw naman ng LTFRB na walang pagbabago sa per-kilometer at per-minute travel time charges.
Ayon naman sa United Transportation Coalition Philippines (UTCP), ipinapakita ng naging hakbang LTFRB at DOTr na kinikilala ng gobyerno ang araw-araw na hamon ng mga transport worker. Sinabi ni UTCP President Lisza Buscaino-Redulla na malaking bagay na pinakinggan ang kanilang apela, lalo na sa gitna ng malalaking oil price hikes na patuloy na nagpapabigat sa kabuhayan ng mga driver.
Binigyang-diin din ng mga grupo na makatutulong ang adjustment upang mapanatiling maayos at ligtas ang mga sasakyan, habang nasisiguro ang tuluy-tuloy at maaasahang serbisyo para sa riding public. Patuloy rin nilang imu-monitor ang galaw ng merkado at makikipag-ugnayan sa pamahalaan upang masigurong patas at makatao ang kabuhayan ng mga driver sa buong bansa.
102 